Bong Go

Bong Go: Oportunidad sa trabaho, unahin

June 15, 2023 People's Tonight 257 views

MANILA, Philippines – Ikinagalak ni Senador Christopher “Bong” Go ang pagbaba ng unemployment rate sa bansa at binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga oportunidad sa trabaho sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga Pilipino, partikular ng mga mahihirap.

“That’s welcome news. Ibig sabihin, bumaba po ang bilang ng mga kababayan natin na walang trabaho,” ani Go sa panayam sa kanya matapos personal na tulungan ang mahihirap na residente sa Talisay, Camarines Norte.

“Napakaimportante po ng trabaho. Kasi, importante rito ang laman ng tiyan ng ating mga kababayan, lalo na ang mahihirap, ‘yung mga kahig, isang tuka. Dapat po ay suportahan natin sila,” anang senador.

Iginiit ni Go na napakahalaga ng mga oportunidad sa trabaho sa pang-araw-araw na kabuhayan ng mga indibidwal, partikular ng nabubuhay sa kahirapan.

Batay sa April 2023 Labor Force Survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority, nagkarooon ng positibong pagbabago ang unemployment rate sa bansa noong Abril ngayong taon o bumaba sa 4.5% kumpara sa 5.7% na naitala sa parehong buwan noong nakaraang taon.

May tinatayang 2.26 milyong unemployed na indibidwal noong Abril 2023, kumakatawan sa pagbaba ng 506,200 indibidwal mula sa 2.76 milyong walang trabahong Pilipino sa parehong buwan noong nakaraang taon.

Upang higit na masuportahan ang lakas paggawa, inihayag ni Go ang kanyang aktibong pakikilahok sa iba’t ibang pagsisikap sa lehislatura na layong mapabuti ang kapakanan ng mga manggagawa.

Isa siya sa nagsusulong ng Senate Bill No. 2002 o ng Across-the-Board Wage Increase Act of 2023 na layong ipatupad ang daily wage increase na P150 para sa mga empleyado ng pribadong sektor.

Dagdag dito, binanggit ni Go ang ilan pang iminungkahing hakbang na kanyang isinusulong na nakatuon sa pagpapalakas ng kabuhayan ng mga Pilipino.

Kabilang dito ang SBN 420 o ang Rural Employment Assistance Act na layong suportahan ang mga oportunidad sa trabaho sa mga rural na lugar.

Itinulak din niya ang SBN 1594 o ang One Town, One Product Act na magtatatag sa localized economic development at SBN 1183 o Media and Entertainment Workers Welfare Bill na titiyak naman sa kapakanan ng mga indibidwal na nagtatrabaho sa industriyang ito.

Kabilang din sa kanyang isinusulong ang SBN 1184 oo ang Delivery Riders Protection Act na magbibigay ng pananggalang sa karapatan ng delivery riders; ang SBN 1191, kilala rin bilang Magna Carta of Seafarers na nakatuon sa pagprotekta sa karapatan ng mga propesyonal na marino.

“Unahin natin ang kapakanan ng mga ordinaryong mamamayan. ‘Yung mga mahihirap po, sila po ang dapat nating unahin, ‘yung mga isang kahig, isang tuka,” ani Go.

AUTHOR PROFILE