Default Thumbnail

Tulfo, binisita OFWs sa Dubai

June 13, 2023 PS Jun M. Sarmiento 328 views

Nangakong isusulong Magna Carta for Seafarers

BUMISITA si Senador Raffy Tulfo sa Dubai mula Hunyo 6 hanggang 9, 2023 upang kumustahin at dalawin ang OFWs (overseas Filipino workers ) na naroon.

Kasama ni Tulfo bumisita sina Department of Migrant Workers (DMW) Usec. Hans Cacdac, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnel Ignacio, Ambassador Ferdinand Ver, at Philippine Consul General Renator Duenas Jr.

Noong Hunyo 7, ipinagdiwang ni “Sen. Idol,” na chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, ang Migrant Workers’ Day kasama ang ilang OFW na naging negosyante sa Dubai.

Proud si Tulfo na sina Maria Emma Lizano, Olive Samson, at Melinda Nulla ay nagmamay-ari na ngayon ng isang sikat na Filipino restaurant sa Waterfront, Dubai na tinatawag na PALUTO.

Sa isang baskbetball competition ng liga ng mga seafarer naman kung saan inimbita si Tulfo bilang panauhing pandangal, ipinangako niyang ipaglalaban niya hanggang sa maipasa ang Magna Carta of Seafarers na ngayon ay nasa second reading na sa Senado.

Sa sunod na araw, binisita naman ni Tulfo ang Migrant Workers Repatriation Center sa Al Qusais 3, Dubai.

Nadatnan ni Tulfo dito ang ilang mga OFW na nasa shelter at sumasailalim sa jewelry making bilang skills training na binibigay ng OWWA. Ito ay paghahanda sa kanilang pagbalik sa Pilipinas upang magkaroon ng bagong panimula.

Sinilip din ni Tulfo ang pasilidad ng shelter at dito, mayroon siyang mga napuna at nagbigay ng mga suhestiyon. Kanyang inirekomenda na magkaroon ng dressing room at sariling locker ang bawat OFW na nasa shelter nang sa gayon ay meron silang privacy sa kanilang mga gamit. Kanya ring ipinatatanggal ang isang CCTV sa isang sulok ng isolation room para sa privacy.

Sinabi rin niya na sana ay magdagdag ng cooling fan sa dining area dahil sobrang init at kapag magkasabay-sabay kumain ang lahat, halos hindi na sila makahinga umano.

Napansin niya ang dalawang maliit na banyo at naroon na ang toilet bowl at paliguan na kailangang gamitan pa ng timba at tabo kaya kanyang iminungkahi na sana ay palitan ito ng shower.

Dagdag pa niya na kung maaari ay maglagay ng isa pang toilet and shower para hindi magkaroon ng mahabang pilahan.

Inirekomenda rin ng senador na maglagay din ng maayos na paglalabhan at sampayan ng kanilang mga damit o mas maganda pa, kung maglagay na lamang ng washing machine at dryer para mas kunbinyente.

“Ang mga kababayan natin na napunta sa shelter ay nakaranas ng matinding krisis tulad ng pagmamalupit at pananakit kaya nararapat lamang na pagdating sa shelter, sila ay maalagaan ng maayos at mabigyan ng komportableng pansamantalang tahanan,” saad niya.

Sa pangkalahatan, pinuri ni Tulfo ang OWWA, DMW, at DFA dahil sa kanilang mga inisyatibo at pagsisikap para mapaganda ang serbisyo sa halos isang milyong Pilipino sa Dubai.

Nangako rin si Tulfo sa DMW at OWWA na sa susunod na budget hearing ay ipaglalaban niya na madagdagan ang kanilang pondo para sa kapakanan ng binansagan mga “makabagong bayani.”