Default Thumbnail

Text JRT ni Mayor John Rey Tiangco kapakipakinabang sa Navotas

June 7, 2023 Edd Reyes 946 views

Edd ReyesMALAKI ang naitulong ng proyekto ni Mayor John Rey Tiangco na “Text JRT” upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa Lungsod ng Navotas.

Lahat ng uri ng masasamang gawain sa lungsod ay naa-askiyunan kaagad dahil mismong si Mayor Tiangco ang nag-uutos na supilin ito kapag naberipika na totoo ang sumbong.

Nito nga lang nakaraang linggo, iniutos ng alkalde ang sorpresang pagsasailalim sa drug test ng lahat ng 546 na mga persons deprived of liberty (PDLs) sa Navotas City Jail (NCJ), pati na rin ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management (BJMP) na nakatalaga rito matapos maberipika ang natanggap na mensahe na ipinadala sa Text JRT ng isang concerned citizen.

Sa resulta ng naturang drug test, apat na PDL ang nag-positibo sa paggamit ng ilegal na droga na nangangahulungan na nakakapuslit pa rin ang mga kontrabando sa loob ng NCJ habang negatibo naman ang 68 tauhan ng BJMP.

Kung tutuusin, hindi naman makakalusot ang ilegal na droga sa loob ng NCJ kung walang kasapakat na tauhan ng BJMP dahil sobrang higpit nga ang ipinaiiral ni Chief Insp. Lucky Dionisio, ang Warden ng NCJ, upang hindi makalusot ang anumang kontrabando..

Tiniyak naman ni Mayor Tiangco na magkakaroon ng malalimang imbestigasyon dito para matukoy kung bakit patuloy pa ring nakakalusot sa loob ng pasilidad ang ilegal na droga.

Mukhang dismayado ang alkalde sa natuklasan lalu na’t lahat ng suporta ay ibinubuhos niya sa NCJ, patunay ang pagpapagawa niya ng extension ng pasilidad para kahit papaano ay makadagdag sa kakulangan ng selda pero mukhang may kapabayaan sa hanay ng BJMP.

Pasahan ng shabu, nagaganap sa mga sugal-lupa

HINDI lang nakakabahala kundi nakaka-alarma pa ang sumbong ng ilang residente sa Taytay, Rizal hinggil sa anila’y nagaganap na pasahan ng ilegal na droga ng ilang kabataang kalalakihan sa mga mini carnival sa naturang bayan.

Namumutiktik na kasi sa dami ng mga peryahan sa naturang bayan na hinahaluan pa ng ilegal na sugal kaya’t gabi-gabi’y nakakalat ang mga kabataang kalalakihan sa loob ng mga mini carnival na hindi malayong maakit din, hindi lamang sa pagsusugal, kundi sa paggamit ng ilegal na droga.

Kung sabagay, hindi na bago sa kapulisan ang nagaganap na pasahan ng ilegal na droga sa mga sugal-lupa dahil ilang beses na rin namang nangyari, hindi lang sa mga lalawigan, kundi sa Metro Manila, nakakasamsam ng napakaraming sachet ng shabu ang pulisya sa mga nire-raid na mga ilegal na sugalan.

Kung makakarating ang mga ganitong sumbong sa tanggapan ni Mayor Allan De Leon, hindi malayong utusan niya si P/Maj. Joel Costudio, ang chief of police ng Taytay, na hulihin hindi lamang ang mga sangkot sa ilegal na droga kundi ang mga operator na rin ng pergalan.

Sa dami kasi ng mini carnival ng nagpapakilalang alyas “Tessie” sa bayan ng Taytay, hindi puwedeng palagi na lamang niyang malulusutan ang kapulisan sa paglalatag ng ilegal na sugal na nagiging lugar din ng pasahan ng ilegal na droga.

Siguro, dapat na mapaalalahanan na rin ni Rizal Provincial Director P/Col. Dominic Baccay si Maj. Custodio hinggil sa ipinaiiral na “one-strike policy” ni PNP Chief P/Gen. Benjamin Acorda dahil baka kapuwa sila mapag-initan ni Region 4A Director P/BGen. Carlito Gaces.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE