
P3.8-M na shabu, timbog sa DHL-NAIA
MULI na namang pinatunayan ng mga otoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na mahirap silang mapalusutan ng mga taong sangkot sa illegal drug business.
Ito ang ipinakita ng mga highly-trained x-ray operators ng Bureau of Customs-Port of NAIA (BOC-NAIA) na pinamumunuan ni District Collector Carmelita “Mimel” C. Manahan-Talusan.
Sa tulong ng x-ray machine ay na-intercept ng BOC-NAIA, Philippine Drug Enforcement Agency at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ang isang cargo na naglalaman ng shabu.
Ang outbound express cargo, na deklaradong naglalaman ng eyelash sets at electric hair dryers at brushes, ay shabu pala ang laman. Ito ay nakita sa DHL Express Getway Warehouse sa NAIA .
Ayon sa report, dahil sa mga “suspicious” na imahe na nakita ng mga Customs x-ray officials sa cargo ay ipinasyang idaan ito sa physical examination.
Dito nga nakita ang mga nakatagong shabu na nagkakahalaga ng mahigit na P3.8 milyon. Under investigation ngayon ng PDEA ang shipper at consignee ng express cargo.
Sila ay nahaharap sa paglabag sa Republic Act No. 9165 at RA No. 10883 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ang BOC, na pinamumunuan ngayon ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio Jr. ng Ilocos Norte, “remains committed to protecting the country against smuggling attempts.”
Ito ay bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa mga ipinagbabawal na gamot.
Hindi lang ‘yan. Gusto din ni Pangulong Marcos, na kababayan ni Rubio at ni PNP chief Gen. Benjamin C. Acorda Jr., na patigilin na ang ismagling ng mga produktong agrikultura.
“We will continue to be vigilant in our border protection efforts to prevent dangerous drugs and other contraband that come in and out of our country,” ani Commissioner Rubio.
Dagdag pa ni Rubio: “The successful interception (of the shabu) is a testament to the joint enforcement efforts of our customs and inter-agency partners against drug trafficking.”
Sinabi din ni Collector Mimel Talusan, anak ni dating Customs Depcom Julie Crisologo-Manahan, na lalo nilang paiigtingin ang kanilang revenue collection at trade facilitation efforts.
Huwag natin kalimutan na sa isang buwan, Mayo, ay mag-iisang taon na sa Malakanyang si Pangulong Marcos.
Siyempre, lahat ng mga ahensya ng gobyerno ay pursigidong magpakitang gilas sa nag-iisang anak na lalake ni yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos.
***
Dapat na nga sigurong ibalik sa dati ang school calendar na Abril at Mayo ang bakasyon ng mga mag-aaral.
Talaga naman kasing iba ang init na nararamdaman sa maraming parte ng bansa. Sobra na ang init ng araw kaya kadalasan ay marami na ang takot lumabas ng bahay.
Hindi lang mga matatanda, bata at may sakit ang nahihirapan pagdating ng ala-una ng hapon.
Sa mga walang aircon, lalo na sa mga probinsiya, lahat ay gustong lumabas ng bahay at magpahangin sa ilalim ng mga punong kahoy dahil sa nakakapaso ang init ng haring araw.
Sa Metro at Manila at ibang siyudad, pumupunta ang mga tao sa malalaking shopping mall at doon na lang nagpapalipas ng oras.
Ang problema lang, mahal naman ang pamasahe.
Sa tingin ng maraming magulang ay hindi na dapat pang pag-aralan kung bumalik tayo o hindi sa nakaugaliang school calendar dahil kitang-kita naman ang epekto ng climate change.
Mabuti sana kung ang lahat ng silid-aralan sa bansa, lalong-lalo na sa mga pampublikong paaralan, ay may kanya-kanyang malalaking airconditioning units.
Tama ba kami, Vice President at Education Secretary Sara Duterte?
***
Panahon na para maglagay ng “suggestion boxes” ang Civil Service Commission (CSC) sa lahat ng barangay, town, city at provincial halls sa buong bansa.
Dapat ang CSC ang mamahala sa proyekto dahil ito’y isang constitutional body.
Ang ibig sabihin nito, hindi basta nai-intimidate ng mga politiko at iba pang government executives ang mga opisyal at kawani ng CSC dahil ito nga ay isang constitutional office.
Sa mga suggestion boxes na ito na CSC lang ang may susi, maipaparating ng tumbayan ang kani-kanilang mga hinaing, problema at iba pang concerns.
Kada inggo o buwan ay kukunin ng CSC ang laman ng suggestion boxes.
Sila na ang gagawa ng aksyon sa mga matatanggap nilang komento o suhestiyon at magpaparating sa mga kinaukulang ahensya.
Isa itong paraan para matigil o mabawasan ang mga katarantaduhan na nangyayari sa mga tanggapan ng gobyerno, lalo na sa mga local government units (LGUs).
Ano sa tingin mo, DILG Secretary Benhur Abalos?
Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email#[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)