Majavic

Utang na P30M kay Vic, binayaran ng TAPE, Inc.

May 8, 2023 Ian F. Fariñas 387 views

NAG-IWAN ng salita sa press kahapon si Bossing Vic Sotto na “sa tamang panahon” ay sasagutin niya nang buong-buo ang mga tanong ukol sa kaguluhang nangyayari sa longest-running noontime show sa bansa na Eat Bulaga.

Sa presscon ng bago nilang sistcom ni Maja Salvador na Open 24/7 na ginanap sa Seda Hotel, nakiusap ang kapatid ni dating Senador Tito Sotto na huwag nang pag-usapan ang kontrobersiya sa EB bilang respeto sa GMA Network na siyang organizer ng event.

Pero may ilang katanungan pa ring nakalusot gaya na lamang ng tungkol sa maugong na balitang may utang sa kanya at kay Joey de Leon ang TAPE, Inc., producer ng EB, na mahigit P30 million each.

Ayon kay Vic habang kinukuyog ng media, “bayad na” ito. “Oo, it’s not a joke!” turan pa niya sa press.

Nang usisain kung mahigit P30M nga ba ang naging utang sa kanya, ang naging sagot lang ng beteranong TV host-actor ay, “Secret!”

Sinundan niya ito ng pahayag na, “Alam mo TVJ sanay sa ganu’n, eh. We started na halos wala kaming sinusuweldo. Sabi ko nga nu’ng isang araw nu’ng may nag-interview sa akin is hindi naman pera-pera ang usapan. Mas mahalaga ang prinsipyo sa pera.”

Siyempre, nilinaw din ng press kay Vic ang tsikang lilipat na sa ibang istasyon ang Eat Bulaga.

“Bali-balita lang ‘yon,” ang una niyang tugon.

Nang sundutin ito ng tanong kung GMA pa rin ang pipiliin niyang paglabasan ng Eat Bulaga, “No comment pa rin,” ang naging sagot ni Vic.

Samantala, ang Open 24/7 ay mapapanood tuwing Sabado simula May 27.

AUTHOR PROFILE