
Koleskyon ng BOC, patuloy ang paglago!
PATULOY ang pamamayagpag ng mga taga-Bureau of Customs (BOC) kung ang pag-uusapan ay ang paglaban sa ismagling at pangongolekta ng buwis at taripa.
Sa ilalim ng pamamahala ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio, kaliwa’t-kanan ang mga rekord na naitatala ng ahensya na madalas bansagang “graft-prone.”
Nito ngang nakaraang Abril ay naitala ng mga opisyal at tauhan ni Rubio ang pinakamataas nilang buwanang revenue collection sa kanilang makulay na kasaysayan.
Umabot ng P68.274 bilyon ang kanilang revenue koleksyon noong Abril, lampas ng P75 milyon kumpara sa target nilang P68.199 bilyon para sa nasabing buwan.
Kaya nga ang total revenue collection ng BOC sa unang apat na buwan ng taon ay umabot ng P281.902 bilyon.
Ang kailangan na lang kolektahin ng ahensya sa nalalabing walong buwan ng 2023 ay P619.4 bilyon para maabot ang malaki nitong collection target sa taong ito.
Ang gobyerno, sa pamamagitan ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), ay inatasan ang BOC na mangolekta ng P901.3 bilyon sa taong ito.
Noong nakaraang taon ay umabot ng tumataginting na P862.929-B ang total revenue collection ng ahensyang nasa ilalim ng Department of Finance (DOF).
Ito ay 24.9% “higher than the 2022 target of P721.5 billion,” according to the BOC Financial Service. Noong 2021 ay umabot lang ng P643.562-B ang koleksyon ng ahensya.
At ayon pa sa rekord ng Financial Service, noon lang 2022 nangyari na ang lahat ng 17 BOC collection districts ay lumampas sa kani-kanilang revenue targets.
Tuwang-tuwa si Commissioner Rubio, isang Ilocano mula Batac City, Ilocos Norte, sa patuloy na magandang performance ng kanyang mga opisyal at tauhan.
Sa totoo lang, naitala din ng ahensya ang pinaka-mataas nitong “daily collection in history” noong Abril 28, nang makakolekta ito ng mahigit P7.51 bilyon.
Ayon naman sa Revenue Collection Monitoring Group-Financial Service, naitala ng BOC ang record revenue collection noong nakaraang buwan dahil sa ilang factors.
Ito ay kinabibilangan ng “higher rate of assessment, which is mainly due to improved valuation system of non-oil importation.”
“We will continue to uphold our commitment to transparency, accountability and service excellence as we strive to meet our revenue targets and contribute to the growth and development of our country,” sang-ayon kay Rubio.
Sa tingin ng maraming waterfront observers, kabilang na ang mga broker, kayang-kayang abutin ng ahensya ang kanilang 2023 revenue collection target na P901.3 bilyon.
Hindi kaila sa mga taga-masid na nakuha ni Commissioner Rubio ang suporta ng kanyang mga tauhan dahil sa ipinapakita niyang sipag at dedikasyon sa trabaho.
Isa pa, natutuwa sila dahil isang kauri nila ang namumuno ngayon ng BOC.
Maliban kay ex-BOC chief Titus Villanueva at Horacio “Boy” Morales, lahat ng mga naging hepe sa aduana ay “outsiders.”
Nang pumasok sa aduana si Commissioner Rubio ay isa lang siyang special intelligence officer.
He rose from the ranks.
Tama ba, Pangulong Bongbong Marcos?
****
Sana huwag naman dumami pa ang bilang ng mga nagkakasakit ng nakatatakot na coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, kasama na ang Metro Manila.
Maganda na ang itinatakbo ng ating ekonomiya na dalawang taong pinadapa ng COVID-19, na pinaniniwalaan ng marami na nanggaling sa bansang China.
Kasi kung babalik muli tayo sa maraming restrictions ay siguradong marami na namang mawawalan ng trabaho.
Marami na namang matatakot lumabas ng bahay dahil baka nga mahawaan sila ng COVID-19.
Kung kakaunti ang lalabas ng bahay ay baka magsara muli ang maraming bahay negosyo, lalo na ng mga maliliit na tindahan hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.
Sana naman huwag natin kalimutang sumunod sa minimum health protocols na patuloy na ikinakampanya ng gobyerno para lang huwag tayong magka-COVID-19.
Ang minimum health protocols ay “regular hand washing and wearing of mask.”
Nakakatuwa nga na marami pa sa atin ang nakikitang nagsusuot ng maskara kahit hindi na ito mandatory.
Ang regular na paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng maskara kapag nasa labas ng bahay ay malaking tulong para huwag tayong magkasakit, lalona’t nandiyan ang summer diseases.
Tama ba kami, Undersecretary Maria Rosario Vergeire ng Department of Health?
(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email:[email protected]. Ilagayblang ang buong pangalan at tirahan.)