
MWP laborer tiklo sa ‘rape’ sa Rosales
KAMPO HENERAL MIGUEL C. MALVAR, Batangas – Nasakote ang isang “most wanted person” ng regional level na may kasong “rape” ng mga operatiba ng Batangas City Police Station (CPS) dakong 6:45 ng gabi ng Marso 30, 2023 sa Bgy. Zone 2, Rosales, Pangasinan.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col Dwight F. Fonte, hepe ng Batangas CPS kay Batangas police director Colonel Pedro D. Soliba, ang akusado ay isang construction worker, 37, tubo at residente ng Rosales, Pangasinan.
Ang akusado ay nagtago umano matapos na kasuhan ng kasong rape at tuluyang nadakip sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 4 ng Batangas City noong Pebrero 19, 2019 at walang kaukulang piyansa.
Matagumpay na naaresto ang suspek sa tulong na rin ng mga cluster leader ng nasabing barangay.
Nauna nang naaresto ng mga operatiba ng Batangas CPS ang isang kasabwat ng suspek noong 2018.
Ang dalawa ay akusado sa panghahalay umano sa biktimang babae na dinala sa isang construction barracks sa Kumintang Ibaba, Batangas City noong Disyembre 20, 2017.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga kapulisan ng Batangas City ang akusado para sa kaukulang disposisyon.