Default Thumbnail

54 nalambat sa 1-day anti-crime ops ng CIDG

April 3, 2023 Zaida I. Delos Reyes 175 views

AABOT sa 54 katao ang naaresto sa isang araw na pina-igting na anti-criminality operations ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa iba’t-ibang panig ng bansa na nagresulta rin sa pagkakakumpiska at pagkakarekober ng iba’t-ibang ebidensiya.

Sinabi ni CIDG chief Brig. Gen. Romeo Caramat na umabot sa 43 operasyon ang isinagawa ng kanilang ahensiya nitong Marso 30 na nagresulta sa pagkakaaresto ng 54 katao at pagkakakumpiska ng P57,813 halaga ng ebidensiya.

Aniya, 30 wanted persons ang naaresto sa ilalim ng “Oplan Pagtugis” na kinabibilangan ng isang “most wanted person” (MWP) sa national level, apat sa regional level, dalawa sa provincial level, at isa sa municipal level.

Kasama rin sa naaresto ang 22 iba pang wanted sa iba’t-ibang uri ng krimen.

Sa ilalim naman ng “Oplan Paglalansag Omega” o kampanya laban sa loose firearms, anim na police operation ang isinagawa na nag-ugat sa pagkakaaresto ng limang armas na iba’t-iba ang kalibre at pagsuko naman ng isang explosive device.

Sa kampanya laban sa illegal gambling, 12 katao ang naaresto sa anim na operasyon na nagresulta sa pagkakakumpiska ng P6,733 cash bet o taya.

Dalawang operasyon naman ang isinagawa sa “Oplan Megashopper” o kampanya laban sa smuggling, manufacturing, distribution, at trading ng contefeit items na nagresulta sa pagkakadakip ng dalawang tao ang pagkakakumpiska ng P51,080 ebidensiya.

Sa ilalim naman ng law enforcement activities, apat ang naaresto sa isang police operation.

“These (numbers) serve as proof that the CIDG is serious about implementing its flagship programs. We will not cease in our battle against criminality until security is ensured and peace is achieved,” pahayag ni Caramat.