Default Thumbnail

Firing squad sa killer ng La Salle student?

April 3, 2023 Allan L. Encarnacion 273 views

Allan EncarnacionHINDI ako magtataka kung may mga sektor na hihiling ng firing squad sa nanloob at pumatay sa La Salle student sa Cavite.

Kahit hindi natin kamag-anak ang biktima, nasaktan din tayong lahat sa nangyari. Isipin mong mabuti kung anong sinapit ni Queen Leanne sa kamay ng kriminal na ito. Labing apat na saksak sa iba’t ibang parte ng katawan, indikasyon kung anong klaseng kriminal ang gumawa nito.

Iyong anak mong bago dumating sa estado na malapit nang magtapos sa pag-aaral ay papasukin lang sa dormitory para nakawan at patayin ng isang patapon sa lipunan.

Ang laki ng hirap ng pamilya sa pagpapalaki, halos ayaw padapuan sa lamok, inihanda ang kinabukasan ng isang inspirasyon nila tapos sa isang kisapmata, papatayin lang!

Ilang beses na ba itong nangyayari sa maraming biktima? Nakakagalit at nakapanlulumo dahil parang walang tumatayo para wakasan ang mga ganitong krimen.

Parang hindi na nakukuntento ang marami nating kababayan sa naaaresto lang ang kriminal dahil paulit-ulit lang sila sa kanilang ginagawa at patuloy silang dumarami!

Hindi natin alam kung kailan mauubos ang mga ganitong klaseng pusakal. Firing squad o death by hanging ang sigaw ng iba nating kababayan sa ganitong senseless killing para magbigay ng malinaw na mensahe sa mga katulad nila.

Nakakalungkot at nakapanlulumo. Ilan pa ba ang magiging biktima ng mga kriminal na ito bago tayo magising sa katotohanang nabubuhay tayo sa mapanganib na mundo?

***

Kami man ay napasok na noon ng kriminal. Madaling araw ay nagising ang aking misis na may isang lalaki sa aming garahe.

Mabuti na lang at wala siyang magiging access papasok sa bahay kaya nang magbukas ng ilaw ang aking may bahay ay kumaripas ng takbo paakyat sa bubong hanggang palabas ng bakuran.

Magmula noon, hindi na ako umasa sa guwardiya ng subdivision na nasa tapat pa man din ng aming bahay. Pinalagyan ko ng electric fence ang aming bakuran dahil hindi na ako pumanatag magmula nang mangyari iyon.

Pero paano ang marami nating kababayan na palaging nasa bingit ng panganib dahil sa pagdami ng mga kriminal pero walang magawa?

[email protected]