TVJ2

Joey, nag-imbita sa 50 years ng ‘Eat Bulaga’: Tuloy tayo!

March 5, 2023 Ian F. Fariñas 677 views

PARA sa loyal fans ng Eat Bulaga, may bigat ang mga salitang binitawan nina Tito Sotto at Joey de Leon sa live episode nitong Sabado kung saan mistulang “inangkin” nila ang theme song at title ng longest-running noontime show sa bansa.

Present ang tatlong poste ng Bulaga sa “Little Miss Diva” grand finals at nagsilbi ring hurado kasama sina Vina Morales, Beauty Gonzales at Sheryn Regis.

Kinanta ng TVJ ang Bulaga theme song at dito na pinakawalan ng dating senador ang mga linyang, “Sa mga kabataan, para sa mga Diva at mas bata pa sa kanila. Nililinaw ko lang ang nag-compose ng kantang Eat Bulaga si Vic Sotto. Ang nag-imbento ng salitang ‘Eat Bulaga’ ay si Joey de Leon.”

Sabay ng pag-congratulate niya sa mga magulang ng mga contestant, nag-congratulate rin si Tito sa production staff at sinabing, “Keep it up! Keep up the good work, walang dapat baguhin sa production ng Eat Bulaga.”

Si Joey, imbitasyon naman para sa 50th anniversary ng show ang naging pahayag: “Ako, iba ang akin dahil ini-extend ko ang invitation sa inyong lahat, magkita-kita uli tayo after six years to celebrate Eat Bulaga’s 50 years on television. Kumbidado kayo, tuloy tayo! 50 years of Eat Bulaga on television. Mga teenagers na kayo, pwera lang dito kay bulilit. Eleven years old lang ‘to after six years.”

Para sa viewers, ang mga pahayag na ito nina Tito at Joey ay kakabit ng maugong na usapin tungkol sa diumano’y pagpapatalsik sa EB executive na si Tony Tuviera at sa EB OGs na TVJ ng bagong TAPE, Inc. chairman at ng pamilya Jalosjos.

AUTHOR PROFILE