LTO TEST–Ang mga public utility bus drivers habang sumasagot ng mga tanong sa random drug testing ng LTO-Bicol sa isang bus station sa Camarines Sur.

9 ‘shabu’ drivers sibak

August 18, 2023 Jun I. Legaspi 653 views

LTO1NAGBUBUNGA na ang mahigpit na utos ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na alisin ang mga balasubas na driver sa kalye matapos maaresto ang 9 na public utility vehicle (PUV) drivers na positibo sa iligal na droga sa Camarines Sur.

Nahuli ang siyam nang magsagawa ng surprise roadside inspection ang mga tauhan ng Law Enforcement Officers (LEOs) mula sa LTO 5 Regional Office and District Offices of Camarines Sur sa pangunguna ng kanilang Regional Director Francisco Ranches Jr. sa national highway sa Barangay Anayan, Pili, Camarines Sur.

Aabot sa 77 ang mga naitalang paglabag na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 64 driver’s license habang anim na mga sasakyan pa ang hinatak.

Sinabayan ito ng random drug testing sa mga PUV driver kung saan isang bus driver mula sa 16 na tsuper na sumailalim sa drug test ang nagpositibo sa shabu.

Walo naman mula sa 84 tsuper ang nagpositibo rin sa iligal na droga sa isinagawang inspeksyon sa Bicol Central Station sa Naga City.

Sa ulat pa ng LTO Region V, kinumpiska ang lisensya ng mga tsuper na nagpositibo sa droga habang inihahanda naman ang mga kasong administratibo at kriminal na isasampa laban sa kanila.

Idinagdag pa nito na pananagutin din ang mga operator ng mga nasabing tsuper dahil sa hindi maingat na pagpili ng mga driver.

Ilang araw matapos siyang maupo bilang pinuno ng LTO, pinangunahan ni Mendoza ang pag iinspeksyon ng mga pampasaherong bus sa Araneta Center Bus Terminal sa Quezon City para tingnan ang road worthiness ng mga ito lalo na iyong may mga ruta sa probinsiya.

“I expect all our Regional Directors and chiefs of District Offices across the country to do the same in the interest of the public na umaasa na gagampanan ng kanilang LTO ang kanyang mandato na tiyakin na ligtas ang mga kalsada para sa mamamayang Pilipino,” dagdag pa niya.

AUTHOR PROFILE