
9 na kasunduan nilagdaan ng PH, Qatar
SIYAM na kasunduan ang nilagdaan ng Pilipinas at Qatar mula sa dalawang araw na state visit sa bansa si Qatari Emir Sheikh Tamim bin Hamad Al-Thani.
Hindi ito ang unang pagkakataon na bumisita ang opisyal sa Pilipinas dahil nag state visit na siya sa bansa noong 2012.
Una nang sinabi ni Philippine ambassador to Qatar Lillibeth Pono na patunay ang high-level state visit na ito ni Al-Thani sa lumalagong relasyon sa pagitan ng dalawang bansa at nagpapatibay ng kanilang mutual commitment upang mas paigtingin ang kanilang matatag na ugnayan.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), nangyari ang signing kasunod ng bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Al-Thani.
Kabilang sa mga nilagdaan na kasunduan ang waiver ng visa requirements para sa mga holders ng diplomatic at special o official passports, kooperasyon sa field of sports, field of youth at paglaban sa human trafficking.
Nagkasundo rin ang dalawang bansa para sa technical cooperation at capacity-building sa usapin ng climate change, tourism and business events at mutual recognition ng seafarers’ certificates.
Lumagda rin sa Memorandum of Understanding ang Philippines Chamber of Commerce and Industry at Qatar Chamber of Commerce and Industry habang pumirma rin sa isang trade agreement ang Davao City Chamber of Commerce at grupo ng mga negosyante sa nasabing bansa.
“With the Philippines and Qatar sharing 43 years of deep friendship and cooperation, I am certain that our discussions today will translate to stronger collaboration in common fields of interests,” sabi ni Pangulong Marcos kay Qatari Amir.
Sa panig ni Qatari Amir, nagpasalamat ito kay Pangulong Marcos sa mainit na pagtanggap sa Palasyo.
“And, we aspire to improve this relation to increase communication between the two countries,” pahayag ni Sheikh Tamim.