Santiago

8 PPA execs sa Bohol huling naglasingan sa opisina, sibak

August 18, 2023 Zaida I. Delos Reyes 283 views

INIUTOS ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago ang agarang pagsibak sa pwesto sa walong opisyal ng Port Management Office (PMO) sa Bohol matapos mahuli sa CCTV na nag-iinuman sa loob mismo ng kanilang tanggapan.

Ang insidente ay naganap nitong Miyerkules ng gabi sa multipurpose hall ng tanggapan kung saan ipinagdiwang ang kaarawan ni acting Bohol Port Manager Lord Tyrone Agaton.

Sa imbestigasyon ng PPA, nakita sa surveillance video ng ahensya na nagparty-party ang mga empleyado at mga opisyal ng PMO Bohol.

Ayon pa sa ulat, ginamit sa party ang mga mesa at upuan ng opisina ng PMO Bohol na ginagamit lamang para sa mga pagpupulong at mga opisyal na transaksyon sa gobyerno.

Ayon kay Santiago, hindi karapat-dapat sa serbisyo ng gobyerno ang mga tiwali at abusadong opisyal na hindi marunong rumespeto sa mga pasilidad ng pamahalaan na ginawa para sa taumbayan.

Agad humingi ng paumanhin ang Acting Port Manager ng Bohol. Depensa nito bunsod lamang ng kalasingan sa alak kaya’t nakuha nilang magsayawan at magkantahan.