
8 intel operatives sa Lucena sinibak sa pwesto
WALONG police intelligence officers sa Laguna ang sinibak sa pwesto dahil sa alegasyon ng panloloob sa bahay ng isang negosyanteng babae sa Lucena City nitong Mayo 24, 2024.
Nakilala ang mga nasibak sa pwesto na sina Police Captain Aaron Herrera, Master Sgt. Richie Yuayan, Staff Sgt. Henry Mago, Staff Sgt. Junar Cabalsa , Corporals Rainier Zabala, Allan Abdon, Wilson Bantilan at Rene John Bartola.
Iniutos na rin ni Police Regional Office (PRO) 4-A chief Police Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas sa Regional Investigation and Detective Management Division, (RIDMD) at Regional Internal Affairs Service (RIAS), na magsagawa ng parallel administrative investigation sa insidente.
“To our beloved citizens, as the regional director of PRO-Calabarzon, I reiterate my clear stance against misconduct by any member of our force. We condemn such actions in the strongest terms and assure the public that these officers, if found guilty, will meet the full arms of the law,” pahayag ni Lucas.
Napag-alaman na ang mga pulis ay unang sinampahan ng kasong paglabag sa domicile, grave threats at unjust vexation ng biktimang si Renelyn Rianzales, 52 –anyos sa Lucena City Prosecutors’ office.
Ayon sa ulat, personal na nagtungo si Rianzales kasama si Armando Cubos Paderon sa tanggapan ng pulisya at inireklamo ang mga pulis.
Sa salaysay ni Rianzales, sinabi nito na pwersahang pinasok ng mga armadong lalaki ang kanilang bahay.
Sa imbestigasyon naman ng PNP, napag-alaman na pawang mga intelligence operatives ang pumasok sa bahay ng biktima.
Sa ngayon, inalis na sa kanilang pwesto ang mga pulis at inilipat sa Regional Headquarters Holding Accounting Section sa kanilang kampo at nasa ilalim ng mahigpit na kustodiya.
Inalis din sa pwesto ang hepe ng Lucena Police dahilsa command responsibility.