Shabu Source: File photo

8 arestado, shabu kumpiskado ng PDEA sa anti-narc ops

February 23, 2025 Alfred P. Dalizon 161 views

WALONG tao ang inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa tatlong magkakahiwalay na anti-narcotics operations sa bansa na nagresulta sa pagkakakumpiska ng halos P150,000 halaga ng shabu.

Ayon sa ulat ng PDEA na pinamumunuan ni Director General Isagani R. Nerez, isa sa mga akusado na kinilala sa alyas na ‘Hector’ ay nadakip sa isang buy-bust operation sa Barangay Nalipunan sa Abuyog, Leyte hating-gabi ng Biyernes.

Nakumpiska ng mga tauhan ng Abuyog Municipal Police Station at PDEA Leyte Provincial Office sa suspect ang halos P48 libong halaga ng shabu. Sinabi ni PDEA Region 8 director Bryan B. Babang na isang ‘high-value target’ ang nahuling suspect.

Sa Bacolod City naman, sinalakay ng mga operatiba ng PDEA, Philippine National Police Drug Enforcement Group at Bacolod City Police Station ang isang drug den sa Purok Fire sa Bgy. 8 noong Huwebes ng hapon.

Ang naturang raid ay nagresulta sa pagkakaaresto ng anim na tao ang pagkakakumpiska ng 15 gramo ng shabu na may halagang P102,000 at ibat-ibang uri ng drug paraphernalia.

Kinilala ang mga nadakip sa mga alias na ‘Quenie,’ 24; ‘Reymark,’ 28; ‘Anjelyn,’ 35; ‘Franklin,’ 46; ‘Janice,’ 35; at ‘Mark,’ 23.

Ang ika-walong suspect na kinilala sa alias na ‘Junry,’41, ay nakuhanan ng halos P3 libong halaga ng shabu sa isang anti-narcotics operation sa Guinsiliban, Camiguin noong Sabado.

Ang mga nadakip na suspects ay sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 na mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

AUTHOR PROFILE