Armas NAREKOBER NA ARMAS–Ang mga narekober na high-powered firearms matapos ang engkwentro sa pagitan ng militar at rebeldeng grupo sa Pantabangan, Nueva Ecija noong Miyerkules.

7 rebelde utas sa engkwentro; 10 armas narekober

June 27, 2024 Steve A. Gosuico 100 views

BONGABON, Nueva Ecija–Pitong pinaghihinalaang miyembro ng Komiteng Rehiyong Gitnang Luzon ng Communist Terrorist Group (CTG) ang napatay sa engkwentro sa pagitan ng 84th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army at ng grupo sa Brgy. Malbang, Pantabangan, Nueva Ecija noong Miyerkules ng hapon, ayon sa militar.

Naganap ang operasyon matapos ang hot pursuit ng mga sundalo ng 84th IB kasunod ng aerial operation sa kabundukan ng Sitio Marikit East, Brgy. Abuyo, Alfonso Castaneda, Nueva Vizcaya noong Hunyo 20.

Nakarekober ang mga sundalo ng tatlong M14 rifles, anim na M16 rifles, isang M16 rifle na may M203 grenade launcher, isang low-powered firearm, subersibong dokumento at mga personal na gamit sa pinangyarihan ng engkwentro.

Walang naiulat na nasugatan sa panig ng mga sundalo at hindi pa nakikilala ang mga napatay.

Ayon kay Lieutenant Colonel Jerald Reyes, commanding officer ng 84IB, bahagi ang hot pursuit ng pagsusumikap ng kanilang yunit na matagpuan at habulin ang kalaban matapos maghasik ng takot sa mga tao.

Sinabi ni Brigadier General Joseph Norwin D. Pasamonte, commander ng 703rd Infantry (Agila) Brigade, Philippine Army, na ang matagumpay na operasyon dahil sa kooperasyon ng komunidad sa Pantabangan.

Hinimok din niya ang mga miyembro ng CTG na sumuko at samantalahin ang mga oportunidad na inaalok ng gobyerno para makapamuhay ng bagong buhay.

“Malungkot akong makita na ang ating mga kapwa Pilipino namamatay dahil sa panlilinlang ng CTG. Maaari nating maiwasan ang pagkawala ng buhay kung ang mga natitirang miyembro sumama na lang sa ating mainstream society. Nandito kami handang ipagtanggol ang ating mga kababayang ang nais lamang kapayapaan at katiwasayan,” dagdag niya.

AUTHOR PROFILE