
65 CWDs sa San Antonio, NE hinangaan
SAN ANTONIO, Nueva Ecija–Bumida ang 65 na children with disabilities (CWDs) mula sa San Antonio Central School sa Brgy. Poblacion ng bayang ito sa pagdiriwang ng “National Disability Rights Week” ng Department of Social Welfare and Development noong Biyernes.
Sinabi ni municipal social welfare and development officer Chariety Mhea Baynosa na tumanggap ang mga CWDs ng libreng school supplies mula sa lokal na pamahalaan at ni Mayor Arvin Salonga.
Ginanap ang aktibidad bilang pagtalima sa Proclamation No. 597 na nagdedeklara sa Hulyo 17-23 bilang “National Disability Rights Week.”
Layunin ng proclamation na itaas ang kamalayan sa kalagayan ng mga taong may mga kapansanan.
“Itong San Antonio Central ang nag-iisang paaralan dito sa ating bayan na mayroong special education program para sa mga batang may kapansanan katulad ng autism, down syndrome o pagiging pipi at bingi,” dagdag ni Baynosa.
Dumalo rin sa aktibidad sina Dr. Leonora C. Faustino, punong-guro ng SACS, Elizabeth Viesca, PDAO focal person, Ronnie Marcosa, kawani ng PDAO, Mercedita Caramat, PDAO municipal federation president, at mga guro ng mga CWDs sa SACS.