Default Thumbnail

6 patay, 19 nawawala sa Visayas, Mindanao

December 27, 2022 Zaida I. Delos Reyes 207 views

Dahil sa malawakang pag-ulan sa araw ng Pasko

ANIM katao ang nasawi habang 19 na iba pa ang nawawala sa walang tigil na pagbuhos ng ulan nitong Pasko, Disyembre 25 sa Visayas at Mindanao.

Ito ang iniulat nitong Lunes ng National Dosaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Batay sa update na inilabas ng NDRRMC dakong 11:00 ng umaga (Disyembre 26), lumalabas na apat sa mga nasawi ay mula sa Misamis Occidental sa Northern Mindanao habang ang dalawang iba pa ay mula naman sa Camarines Sur.

Ang mga biktima ay nasawi dahil sa pagkalunod.

Ayon sa NDRRMC, sa listahan ng gma nawawala, sampo ay mula sa Bicol, kabilang ang siyam na mangingisda sa Catanduanes, anim sa Eastern Visayas at tatlo naman sa Northern Mindanao.

Tatlo naman ang iniulat ng NDRRMC na nasugatan.

Umaabot naman sa 100,691 katao o 23,762 pamilya ang apektado ng walang tigil na pagbuhos ng ulan sa 262 barangays sa Mimaropa (Region 4-B – Marinduque; Occidental Mindoro; Oriental Mindoro; Palawan; Romblon), Bicol, Eastern Visayas, Zamboanga, at Northern Mindanao.

Sa nasabing bilang ng naapektuhan, 44,672 (indibidwal) o 9,216 pamilya ang patuloy na nasa mga evacuation centers habang ang iba ay tumitigil sa iba’t-ibang lugar sa labas ng evacuation centers.

Nawalan din ng kuryente sa 36 lungsod at munisipyo at nagkaroon din ng problema sa suplay ng tubig.

Batay din sa ulat, umaabot sa 48 na bahay ang nasira, 27 sa mga ito ang bahagyang nawasak habang 21 ang tuluyang nawasak.

Sa ngayon ay nakapagbigay na ng P2,038,743.29 halaga ng assistance ang NDRRMC sa mga biktima na sama ng panahon.

Matatandaang nitong Linggo, araw ng kapaskuhan ay binayo ng walang tigil na pag-ulan ang mga lugar sa Visayas at Mindanao kung saan umaabot sa hanggang dibdib ang baha.

Isang fishing boat naman ang lumubog sa araw din ng Pasko sa karagatan sakop ng Leyte kung saan dalawa sa mga crew ang nasawi habang nailigtas ang anim na iba pa.