
6 na nagtangkang itakas presong Chinese arestado
Kasama si JUN LEGASPI
ANIM sa 11-katao na nang-ambush sa mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para itakas umano ang Tsinong nakakulog ang nadakip noong Lunes sa Paranaque City.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/MGen. Anthony Aberin ang mga nadakip na sina alyas James, 28; Jerome, 31; Jerry, 30; John, 51; at dalawang Chinese nationals na sina alyas Wang, 25, at Yang.
Tinutugis pa ang lima nilang kasama na nakatakas sakay ng itim na kotse.
Sugatan sa engkwentro sa paghuli sa anim si JO2 Leif Joseph Talanquines. Nasa Ospital ng Paranaque ang nasugatan ng makipagpalitan ng putok ng kanyang kasamang si JO1 John Aldrin Manalang sa mga suspek.
Sa ulat ni Southern Police District (SPD) District Director P/BGEN. Manuel Abrugena sa NCRPO chief, pabalik na sa BJMP sa Brgy. La Huerta ang van (SAB-9058) sakay ang Chinese national na si Hu Yang mula sa court hearing sa Makati RTC nang harangin ng mga suspek na sakay ng Sedan at Mitsubishi Xpander sa service road ng Cavitex dakong alas-12:20 ng tanghali.
Pinaputukan kaagad ng mga suspek ang mga jail officers na gumanti ng putok at tinamaan ang isa sa dalawang sasakyan ng mga suspek.
Nagpapatrulya ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) Team ng Paranaque police at nakapagresponde at nakipagpalitan ng putok kaya sumibat sa magkahiwalay na lugar ang sasakyan ng mga suspek.
Nakalayo ng limang sakay ng kotse na patungo sa Bulungan Market at bumangga naman ang Xpander (NKM 2122) sa puno sa Wetland Park sa boundary ng Las Pinas at Paranaque kaya’t napilitang bumaba ang mga suspek at tumakas patungo sa loob ng parke kung saan sila natiklo.
Nakuha sa mga nadakip ang isang kalibre .357 magnum na may tatlong bala, basyo ng bala, pekeng granada, isang bungkos na US dollars at isang bote na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Patong-patong na kasong frustrated at attempted murder, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Omnibus Election Code ang isasampa ng pulisya sa Parañaque Prosecutor’s Office laban sa anim na natimbog.