Cruz Source: FB file photo

6 huli sa cara y cruz, droga, boga

June 28, 2024 Jojo C. Magsombol 32 views

KAMPO MAJOR/HENERAL LICERIO I. GERONIMO, Taytay, Rizal–Naaresto ng mga miyembro ng Taytay police ang anim na nagsusugal ng cara y’ cruz at nakumpiska din ang mahigit P100,000 na halaga ng hinihinalang shabu sa Purok 15, Valle Compound, Brgy. Juan, Taytay, Rizal noong Huwebes.

Dakong alas-1:20 ng madaling araw ng maaresto ang mga suspek, ayon sa report ni Rizal police director P/Col. Felipe Maraggun kay Police Regional Office (PRO)-4A director P/Brigadier Gen. Paul Kenneth Lucas.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas Bal, 43, alyas Erap, 57, alyas Tata, 43, alyas Chard, 38, alyas King, 24, at alyas Junior, 31.

Ayon sa ulat, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operations ang mga otoridad kung saan naaktuhan ang ilang nag-uumpukan habang naglalaro ng cara y cruz.

Sabi ni Maraggun nakuha mula kay alyas Bal ang apat na pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit-kumulang sa 15 gramo at nagkakahalaga ng P102,000.

Nakumpiska mula kay alyas Erap ang isang cal. .38 revolver at anim na bala. Nakuha pa sa mga suspek ang bet-money at tatlong coins na ginagamit na “pangara.”

Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, RA 10591 o Firearms Law at Anti-Illegal Gambling ang mga suspek at kasalukuyang nakapiit sa Taytay custodial facility.

AUTHOR PROFILE