Default Thumbnail

59-day suspension vs Jemboy killers inirekomenda

September 29, 2023 Zaida I. Delos Reyes 412 views

INIREKOMENDA ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang 59-araw na suspension laban sa 20 pulis na sangkot sa pagpatay kay Jemboy Baltazar sa Navotas City.

Ayon kay PNP-IAS inspector general Atty, Alfegar Triambulo, kabilang sa mga pinatawan ng suspensyon ang mga tauhan ng Navotas Police na nabigong i-preserve ang crime scene at magsagawa ng ballistic at paraffin tests sa mga pulis na sangkot sa actual operation.

Kasama rin sa suspensyon ang walong pulis na napatunayang guilty sa grave irregularity in the performance of duty and conduct unbecoming of a police officer.

Nauna nang inirekomenda ng IAS ang pagsibak sa serbisyo sa mga pulis na agad kinatigan ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Dalawang opisyal ng pulis na nagsilbing imbestigador ng kaso ang pinatawan ng 30- araw na suspensyon dahil sa pagkukulang sa imbestigasyon.

Napatay noong August 2, 2023 si Baltazar, 17, nang pagbabarilin ng mga tauhan ng Navotas City Police na naghuhuli ng suspek sa pamamaril sa Barangay NBBS Kaunlaran.

Ayon sa kaibigan ni Baltazar, sakay sila ng bangka at naghahandang mangisda nang pababain sila ng mga pulis.

Tinangka umano nilang sundin ang mga pulis subalit pinagbabaril sila dahilan upang tumalon sa tubig si Baltazar na sinundan nila ng putok ng baril.

Inamin ng mga pulis na mistaken identity ang insidente kasabay ng pagsasabi na bagama’t itinuloy nila ang pagpapaputok sa tubig, wala silang balak na patayin si Baltazar.