Hidalgo

50 no helmet riders tiklo sa checkpoint sa Nueva Ecija

October 13, 2023 Steve A. Gosuico 327 views

CUYAPO, Nueva Ecija–Nasa 50 lalaki na walang helmet habang nagmo-motorsiklo ang nahuli sa pangunguna ni Police Regional Office (PRO) 3 director Brig. General Jose S. Hidalgo Jr.

Hinuli ang mga walang helmet sa checkpoint kaugnay ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.

Tinulungan ni Nueva Ecija police director Col. Richard Caballero at Cuyapo police chief Lt. Col. Erwin Ferry si Hidalgo Jr. sa pangunguna sa checkpoint operations sa Bgy. Curva alas-9 ng umaga noong Huwebes.

Sinabi ni Ferry na binigyan ng traffic citation tickets (TCT) ang 50 driver na nahuli sa operasyon.

Pero imbes na manabon, nagbigay ng libreng helmet sa nahuling 50 driver si Hidalgo, na may dugong Novo Ecijano.

Binigyan din sila ni Hidalgo ng crash course sa Motorcycle-Riding 101 upang bigyang-diin ang kahalagahan ng kaligtasan sa pagsakay sa motorsiklo.

Isang paraan ng pagtiyak sa kaligtasan sa kalsada ang inisyatiba ng police chief, ayon sa kanya.

“Mga 300 helmet ang naipamigay ni General Hidalgo. Yung 50 na iyon binigay sa mga na checkpoint tapos dinagsa na si Gen. Hidalgo nang malaman na libre ang helmet,” sabi ni Ferry.

AUTHOR PROFILE