Phivolcs

5 sugatan sa magnitude 6.3 na lindol sa Cagayan

September 13, 2023 Zaida I. Delos Reyes 585 views

LIMA katao ang nasugatan matapos tamaan ng gumuhong pader sa kasagsagan ng 6.3 magnitude na lindol sa Dalupiri Island sa Calayan, Cagayan nitong Martes ng gabi.

Sa inisyal na ulat ng Office of Civil Defense (OCD) dalawa sa biktima ay nagtamo ng brain trauma at concussion habang ang tatlo ay nagtamo ng bahagyang sugat sa katawan.

Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang lindol ay naramdaman dakong 7:03 ng gabi.

Umabot sa intensity V ang pagyanig na naramdaman sa Bacarra, Bangui,Burgos,Laoag City, Pagudpod,Paoay,Pasuquinat San Nicolas sa Ilocos Norte.

Nasa intensity IV naman ang naramdaman sa Luna, Apayao; Batac City, Currimao, at Pinili, Ilocos Norte; Claveria, Enrile, Pamplona, Sanchez-Mira, at Santa Praxedes sa Cagayan.

Intensity III ang naramdaman sa Bucay, Lacub, Lagayan, at San Juan, Abra; Banayoyo, Bantay, Burgos, Caoayan, San Emilio, San Esteban, San Ildefonso, San Vicente, Santa Catalina, Santa Cruz, Santiago, Sigay,at Vigan City sa Ilocos Sur; Solana, Cagayan; Santo Domingo, Nueva Ecija.

Nakaramdam ng intensity II na lindol ang mga residente saDolores, La Paz, Luba, Pidigan, at Tubo sa Abra; Narvacan, Santa, at Santa Maria sa Ilocos Sur; Aparri, Cagayan.

Intensity I na pagyanig ang naramdaman sa San Isidro, Abra; Candon City at Tagudin sa Ilocos Sur; Camalaniugan, Lal-Lo, at Santa Ana, Cagayan.

Sa tala ng Phivolcs, ang pagyanig ay may lalIm na 41 kilometro at tectonic origin.

Walang naiulat na nasawi sa insidente subalit inaasahan ang pagkakaroon ng aftershocks.

Patuloy ang isinasagawang assessment ng OCD Region II gayundin ang Cagayan at Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Managmeng Council sa sitwasyon.

Naglabas din ang National Disaster Risk Reduction Management Operations Center ng emergency alert at babala sa mga apektadong residente.

Ayon sa OCD, inihanda na rin ang lahat ng maaring maitulong sa mga naapektuhang residente.

Sa tala naman ng Phivolcs, as of 8:00 ng umaga nitong Miyerkules, umabot na sa 99 aftershocks ng lindol ang naiulat.