Default Thumbnail

5 Japanese crew, nailigtas ng PCG

March 11, 2023 Zaida I. Delos Reyes 217 views

LIMANG Japanese crew ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) makaraang magkaaberya ang fishing vessel na sinasakyan ng mga ito sa bisinidad ng Calapan, Oriental Mindoro nitong Sabado.

Kinilala ang mga nasagip na sina Itsuo Tamuda, 86; Hiromo Nishida, 83; Hamagato Tsukasa, 80; Osamu Kawaka I, 74; at Hata Isamu, 74, pawang mga crew ng Japanese fishing vessel na MV Catriona.

Ayon sa ulat ng PCG, nakaranas ng aberya ang barko dakong 6:30 ng umaga habang naglalayag sa karagatang sakop ng Navotas, Calapan, Oriental Mindoro.

Humingi ng tulong ang kapitan ng barko sa kinauukulan kung kaya’t agad na nakipag-ugnayan ang PCG Command Center sa PCG District Southern Tagalog at PCG Station Oriental Mindoro upang magsagawa ng search and rescue (SAR) operation.

Sakay ng BRP Habagat (TB-271), matagumpay na natukoy ng PCG SAR team ang lokasyon ng distressed vessel at maingat na nailigtas ang mga biktima.

Ayon sa Japanese crew, umalis sila ng Japan patungong Davao at habang naglalayag ay aksidenteng nabutas ang fishing vessel.

Dinala ang mga biktima sa Calapan Port para sa kaukulang disposisyon.