NBI Source: Facebook Page ng National Bureau of Investigation

5-ANYOS, SEX ABUSE VICTIM NG AMA’T INA!

April 11, 2023 Hector Lawas 463 views

MADALAS magkasama sa video ang mag-asawa at ang kanilang limang taong gulang na anak na babae. Nakahubad ang menor de edad at inaabuso ng seksuwal ng kanyang ina na wala ring saplot. Samantala, pinanonood at pinagpaparausan ng mga dayuhan ang pang-aabuso sa bata mula sa kanilang mga laptop at mga cellphone.

Ito ang malagim na sinapit ng isang menor de edad na ginamit sa child pornography ng kaniyang mga magulang.

Ang mag-asawa ay naaresto ng National Bureau of Investigation-Anti-Human Trafficking Division (NBI-AHTRAD) sa Mabalacat City, Pampanga dahil sa seksuwal na pang-aabuso sa kanilang anak sa harap ng mga dayuhan sa online.

Ang pagkakaaresto ay naganap matapos na magsumbong ang Australian Centre to Counter Child Exploitation sa Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC) tungkol sa seksuwal na aktibidad ni Warren Dixon, isang Australyanong akusado ng pang-aabuso at pagsasamantala sa mga batang Filipino.

Naaresto si Dixon ng mga pulis sa Australia noong Nobyembre 28, 2022, dahil sa pagkakaroon ng ilang mga materyal na nagpapakita ng pang-aabuso ng mga menor-de-edad na Filipino.

Mayroon din siyang mga larawan ng mga indibidwal na umano’y nagpromote ng pang-aabuso sa mga menor-de-edad.

Nalaman ng NBI na ang mag-asawa ay kabilang sa mga sangkot sa krimeng ginawa ni Dixon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga materyal na nagpapakita ng pang-aabuso sa menor-de-edad.

Inihayag ng NBI na ginagamit ng mag-asawa ang Skype upang seksuwal na abusuhin ang kanilang anak na babae habang nanunuod online si Dixon, pati na rin ang ibang mga dayuhan.

Nakuha ng NBI ang apat na mobile phone, isang laptop, at iba pang mga gadget na pinaniniwalaang ginamit para sa child pornography at exploitation.

Ang pagpapatupad ng warrant ay isinagawa sa koordinasyon ng City Social Welfare Development Office (CSWDO) sa Mabalacat City, DOJ Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), at iba pang mga ahensya na may kinalaman sa kaso.

Sa onsite forensic examination ng NBI-Digital Forensic Laboratory, nakumpirma ang mga Skype account na ginamit ng mag-asawa.

Nakumpirma rin na mayroong visual materials ng isang hubad na babae na lumalabas na ang ina kasama ang menor-de-edad na biktima.

Agad na naaresto ang mag-asawa at sinampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act No. 11930 (Anti-Online Abuse and Exploitation of Children), RA 9208 na binago ng RA 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012), RA 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act), at RA 8353 (Anti-Rape Law of 1997) sa Opisina ng Prosecutor General, Department of Justice.

AUTHOR PROFILE