
42,499 sibilyan, pulis kukuha ng PNPE, PROMEX
AABOT sa 42,499 na sibilyan at uniformed personnel ang kukuha ng Philippine National Police Entrance (PNPE) at Promotional Examinations (PROMEX) sa Abril 27 mula alas-8:00 hanggang alas-11:00 ng umaga.
Mahalagang hakbang ang test upang mapanatili ang mataas na pamantayan ng propesyonalismo sa hanay ng Philippine National Police (PNP) at upang tiyakin ang merit-based recruitment at promotion sa serbisyo, ayon sa National Police Commission (Napolcom).
Sa kabuuang bilang ng examinees, 33,202 ang para sa PNPE na pagsusulit para sa pagpasok sa ranggong patrolman at patrolwoman.
Bukas ito sa mga sibilyang may edad 21 hanggang 30 at may bachelor’s degree, pati na rin sa mga PNP personnel na may pansamantalang appointment dahil sa kakulangan ng eligibility.
Samantala, 9,297 unipormadong pulis ang sasalang sa PROMEX na hinati sa iba’t ibang kategorya batay sa ranggo:
• PO 4th Class: para sa Police Corporal at Police Staff Sergeant
• PO 3rd Class: para sa Police Master Sergeant hanggang Police Executive Master Sergeant
• PO 2nd Class: para sa Police Lieutenant at Police Captain
• PO 1st Class: para sa Police Major at Police Lieutenant Colonel
Paalala ng NAPOLCOM sa mga examinees na dalhin ang Notice of Admission (NOA), isang valid government-issued ID na may petsa ng kapanganakan (para sa mga sibilyan), PNP ID (para sa mga miyembro ng PNP), No. 2 pencil at itim o asul na ballpen. Hindi pinapayagan ang mga walang printed NOA.
Mahigpit ding ipinatupad ang dress code:
• PNPE Examinees: puting T-shirt, maong o dark-colored na pantalon, at sapatos.
• PROMEX Examinees: GOA Type C ng PNP. Sa mga espesyal na kaso, maaaring payagan ang pagsusuot ng Patrol Shirt o Field Service Uniform.
Ang mga pagsusulit isasagawa sa 37 testing kabilang ang Taguig, Quezon City, Baguio, San Fernando, Calamba, Cebu, Davao, General Santos, Marawi at marami pang iba.
Binalaan din ng NAPOLCOM ang publiko laban sa pandaraya.
Ayon sa NAPOLCOM Memorandum Circular No. 2013-007, ang sinumang mahuling nandaraya tatanggalan ng karapatang kumuha muli ng NAPOLCOM exam.
Para sa mga pulis, ang pandaraya itinuturing na dishonesty at maaaring humantong sa pagkakatanggal sa serbisyo.