Fajardo

4,000 pulis ide-deploy sa ’23 FIBA Cup

August 18, 2023 Zaida I. Delos Reyes 186 views

AABOT sa 4,400 pulis ang itatalaga para matiyak ang seguridad ng International Basketball Federation (FIBA) Basketball World Cup 2023.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.

Nilinaw ni Fajardo na kasama sa nasabing bilang ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang concerned agencies.

“Magde-deploy po tayo ng more or less 4,400 PNP personnel pero kasama na po dyan sa bilang na yan yung ating mga other concerned agencies, gaya po ng AFP, PCG, Red Cross, DOH at force multipliers,” pahayag ni Fajardo.

Babantayan ng mga itatalagang pwersa hindi lamang mga venues ng FIBA 2023 kundi maging mga lugar kung saan inaasahan na dadagsa ang mga manonood.

Nagkaroon na ang PNP ng soft deployment ng kanilang mga tauhan sa airports at mga billeting areas dahil nagsisimula nang dumating ang mga kalahok mula sa iba’t ibang bansa.

Sinabi ni Fajardo na mula pa nitong June sinimulan na ng PNP ang kanilang security preparation para sa FIBA 2023 na gaganapin mula August 25 hanggang September 10.

Tatlong Asian countries ang magsisilbing host ng FIBA 2023, ang Pilipinas, Japan at Indonesia.