
4 sa 6 na Indian nat’ls na nandukot, nanakit ng kapwa Indian timbog
APAT sa anim na Indian nationals na dumukot, nagkulong, nanakit at nagnakaw sa apat nilang kababayan ang naaresto ng mga pulis sa Las Piñas City noong Biyernes.
May sugat at pasa sa katawan ang mga biktimang sina alyas Ven, 21; alyas Kal, 19; alyas Vam, 21; at alyas Sai, 22, nang mailigtas ng mga tauhan ng Las Piñas City Police sa pinagkulungang bahay sa Brgy. Pamplona Tres dakong alas-10:30 ng gabi.
Nakapuslit ang itinuturong utak sa krimen at ang isa pa.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete ang mga nadakip na sina alyas Ramanathan, alyas Devesh, alyas Sanjay at alyas Venkata.
Nakilala ang mga nakatakas na sina alyas Lmahen at mastermind na si alyas Shivarishi.
Bago nangyari ang pagdukot, inihayag ni BGen. Rosete na inarkila ng mga biktima ang Nissan Terra ni alyas Shivarishi noong Mayo 24, 2024 nang magtungo sa Nasugbu, Batangas.
Sa kasamaang palad, naaksidente ang mga umarkila na ikinasira ng sasakyan.
Siningil ang mga biktima ng P700,000 pero P500,000 lang ang naibigay kaya noong Hulyo 4, dakong alas-9:00 ng gabi dinukot at ikinulong siya ng mga suspek, binugbog, kinuha ang cellular phone ng isa na nagkakahalaga ng P55,000 at sinimot ang P120,000 laman ng kanyang ATM cards.
Nakuha ng mga pulis ang isang Hyundai Accent (DAC-2660) na hinihinalang gamit ng mga suspek sa pagdukot sa mga biktima, kahoy na puluhan ng walis at bakal na dustpan na ginamit umano ng mga suspek sa pananakit.