Default Thumbnail

4 binatilyo huli sa pangho-holdap

October 10, 2023 Edd Reyes 597 views

NATIMBOG ng pulisya ang apat na binatilyo na nang-holdap sa isang 69-anyos na lolang vendor noong Martes sa Navotas City.

Inilipat muna ng pulisya sa pangangalaga ng Navotas-Bahay Pag-asa ang apat, na may edad mula 15 hanggang 17, habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa pagpi-prisinta sa kanila sa piskalya kaugnay sa kakaharaping kasong panghoholdap.

Sa ulat ni P/SSg Edison Mata kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, sakay ng kanyang e-bike ang biktimang si Lourdes Tuazon, ng Blk-13, L25, PH2 A3, Dagat-dagatan, Brgy Longos, Malabon City, patungong Divisoria dakong alas-2:30 ng madaling araw nang harangin ng mga suspek sa Pama-Sawata Bridge, Brgy. NBBS.

Tinutukan ng patalim ng 17-anyos na suspek ang matanda habang pinagtulungan hablutin ng tatlo niyang kasabuwat ang shoulder bag na naglalaman ng salapi, alahas, cellular phone, ATM card at iba’t-ibang identification cards bago nagsitakbuhan patakas.

Nagkataong nagpapatrulya malapit sa tulay sina P/Cpl. John Castillo at P/Cpl. Abdallah Odero ng Navotas Police Sub-Station 4 na nahingan agad ng tulong ng biktima na nagresulta san pagkakadakip sa mga binatilyo.

Nabawi sa apat ang shoulder bag ng biktima, pati na ang mga laman nito at nakumpiska mula sa kanilang lider ang isang patalim na ginamit sa panghoholdap.

Ayon kay Col. Cortes, ang grupo rin ang responsable sa panghoholdap sa mga estudyante na dumadaan sa C-3 Road at Pama-Sawata.

AUTHOR PROFILE