Default Thumbnail

3,200 health protocol violators huli sa QC

May 12, 2021 Melnie Ragasa-limena 420 views

UMABOT sa 3,200 na lumabag sa health protocols ang nadakma sa pinagsanib na “one-time, big-time” operations ng mga operatiba ng Department of Public Order and Safety (DPOS), Quezon City Police District (QCPD), Task Force on Transport and Traffic Management, Task Force Disiplina, at Market Development and Administration Department sa Quezon City, nitong Miyerkules ng taghali.

Sa report, isinagawa ang operasyon sa 142 barangays, at ang mga naaresto ay dinala sa Quezon Memorial Circle para sa dokumentasyon at tinuruan kung paano susundin ang ipinatutupad na ordinansa sa minimum health protocols ng GC LGU.

Bukod dito ay inisyuhan din ang mga nadakip ng Ordinance Violation Receipts (OVR) na may katumbas na penalty na P300, P500, at P1,000 para sa una, ikalawa at ikatlong paglabag.

Ang mga violators ay kailangang magbayad sa itinakdang petsa, at kapag nabigo ang mga ito ay sasampahan na sila ng kaso sa City Prosecutors Office.

Sinabi naman ni DPOS head Ret. Gen. Elmo San Diego, tiniyak namang ligtas ang kanilang operasyon at ang mga naarestong may sintomas ng ubo, sipon, nilalagnat at nahihirapan sa paghinga ay isinailalim sa swab testing, habang ang iba naman ay binigyan nila ng face masks at face shields.

“Ginawa na natin itong ‘One Time Big Time’ noong nakaraang buwan, at gagawin pa rin natin ngayon. Hindi tayo titigil hangga’t marami pa ring pasaway na hindi sumusunod sa ating local ordinances on health protocols,” paliwanag pa ng DPOS chief.

“Ikinasa itong One Time Big Time operations sapagkat marami pa rin ang hindi sumusunod sa health protocols. Gayunman, ipatutupad pa rin natin ang maximum tolerance at ang mga mahuhuling lumabag ay bibigyan ng ticket,” ayon naman kay Mayor Joy Belmonte.

Kamakailan, namahagi ang QC LGU ng 1.2M face masks at 300k face shields sa indigent residents na layuning maiwasan ang mga paglabag sa ipinatutupad na mga ordinansa sa lungsod.