
3 sa 7 menor de edad huli sa pagsaksak sa kabilyaran
NADAKIP ang tatlo sa pitong menor de edad na tinuturong sumaksak sa nakaalitang 17-anyos na lalaki habang naglalaro ng bilyar sa Brgy. Pansol, Quezon City.
Sa report ng Quezon City Police District Anonas Police Station 9, nangyari ang insidente nitong Linggo, Hulyo 7 dakong alas 8:28 p.m. sa bilyaran sa panulukan ng Plaza St. at Pansol Ave., Brgy. Pansol ng nabanggit na lungsod.
Bago umano mangyari ang pananaksak ay naglalaro ng bilyar ang biktimang kasama ang dalawang kaibigan nang dumating ang mga suspek at kinompronta sila.
Sa gitna ng komprontasyon ay tinutukan ng patalim ng isa sa mga suspek ang isa sa dalawang kasama ng biktima at sinabihan ng “wag kang maingay na nandito kami”.
Kasunod nito, pinagtulungan nang bugbugin ng mga suspek ang biktima na nagpumulit na makatakas.
Nang makorner ay sinaksak ng isa sa mga suspek ang biktima.
Agad na tumakas ang mga suspek, habang dinala ang biktima sa Quezon City Medical Memorial Center (QMMC) at patuloy na ginagamot.
Nadakip ang tatlong suspek sa isang follow up operation.