BI Source: Bureau of Immigration

3 ‘OFW ‘naharang sa NAIA dahil sa pekeng visa

June 12, 2024 Jun I. Legaspi 151 views

TATLONG umano’y Overseas Filipino Workers ang hinarang sa paliparan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) mmakaraang magprisinta ng pasaporte na may mga pekeng visa.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, naharang ng mga tauhan ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ang tatlong umnano’y OFW sa NAIA Terminal 3 bago pa sila makasakay sa Cebu Pacific Airlines flight patungong Dubai.

Sa inisyal na pahayag ng mga biktima, sinabing inalok sila ng trabaho sa Dubai bilang mga cleaners at ipinakita ang kanilang employment documents.

Sa inspeksyon, nakumpirma na ang kanilang United Arab Emirates (UAE) employment visas ay tampered.

Lumitaw pa sa imbestigasyon na hindi alam ng mga biktima na tampered ang kanilang visa at itinuro na kagagawan ito ng recruitment agency.

Agad namang inirefer sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang kaso para sa imbestigasyon.

Muling nagbabala si Tansingco sa mga nais magtrabaho sa ibayong dagat na doblehin ang pag-iingat at palagiang magsasagawa ng beripikasyon.

“Be wary of any agency or individual promising expedited or guaranteed visa processing, as this could be a red flag for potential fraud or exploitation”, dagdag ng opisyal.

AUTHOR PROFILE