Default Thumbnail

3 bata nalunod sa hukay

September 7, 2023 Zaida I. Delos Reyes 420 views

PATAY ang tatlong bata matapos na malunod habang nagsu-swimming sa isang hukay na puno ng tubig sa tabi ng ginagawang bypass road sa Barangay Cabatling, Malasiqui, Pangasinan.

Batay sa ulat ng Pangasinan Police Office kaninang umaga, nakilala ang mga nasawi na sina Reynald Matthey Castro, 8, kuya nitong si Richard Dean Castro, 9, at pinsan na si Prince Rod Montemayor, 9, pawang mga residente ng Quezon Boulevard, Barangay Poblacion ng nasabing probinsya.

Nagtungo umano ang mga biktima kasama ang dalawa pa nilang pinsan na sina Lucas at Angelo sa sa lugar upang maglaro at kalaunan ay napagdesisyunan nilang magswimming sa naturang hukay.

Gayunman, habang nagsu-swimming ay napansin nina Angelo at Lucas na nalulunod na ang mga biktima kaya’t agad silang humingi ng tulong sa mga residente.

Agad naman rumesponde ang mga residente sa lugar at iniahon sa tubig ang mga biktima at dinala sa Malasiqui Municipal Hospital subalit hindi na nagawa pang iligtas ang kanilang mga buhay.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang malaman kung sino ang maaaring papanagutin sa insidente.