Lacuna Pinangunahan nina Manila Mayor Honey Lacuna Panagan at Vice Mayor Yul Servo kasama ang mga konsehal at kongresista sa Lungsod ng Maynila ang ceremonial signing para sa 2023 budget na ginanap sa Bulwagang Villegas sa Manila City Hall.

2023 annual budget ng Maynila nilagdaan na ni Mayor Honey

November 28, 2022 Edd Reyes 421 views

NILAGDAAN na ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan Lunes ng umaga ang budget ng pamahalaang lungsod para sa taong 2023 na nagkakahalaga ng P22.2 bilyon, na ang halos kalahati ay nakalaan para sa serbisyong panlipunan at pangkalusugan.

“Isinumite natin ito sa Sangguniang Panlungsod (SP) at kaagad naman nilang tinalakay, sinuri, pinag-aralang maigi at ipinasa sa kanilang nakaraang regular na sesyon,” pahayag ng alkalde bago isagawa ang seremonya ng paglagda na ginanap sa Bulwagang Katipunan ng Manila City Hall.

“Ito ang tanda ng ating sama-samang pangarap tungo sa mas magandang buhay para sa ating mga kapwa Manilenyo,” dagdag pa ng alkalde.

Sinabi pa ng kauna-unahang babaeng alkalde sa kapitolyo ng bansa na ang paglagda, na una niyang nagawa mula nang manungkulan siya noong Hunyo 30, 2022 ay sumasalamin sa kaniyang mithiing makapagbigay ng pinakamahusay na serbisyong pangkalusugan upang higit na mapaganda at mapabuti ang kanilang pagkakaloob ng Social Amelioration Program (SAP) tulad ng allowances sa mga lolo at lola, persons with disabilities (PWDs) at solo parent, gayundin sa lahat ng mga mag-aaral sa Universidad De Manila (UDM), sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at senior high school students sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.

Kabahagi rin aniya dito ang kanilang prayoridad sa pag-iingat sa likas na yaman at pagsisikap na magkaroon ng malinis at luntiang kapaligiran. “At siyempre, pinaglalaanan din natin ng pondo ang mga programang may kaugnay sa pagtitiyak ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat isang Manilenyo,” sabi pa ng alkalde.

Nakapaloob din aniya sa taunang budget ang mga programa at proyekto na kaugnay sa pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) Act at iba pang mga serbisyo na kanilang iniaalay para sa mga mamamayan, lalo na sa mga kapwa Manilenyo na higit na nangangailangan ng kalinga.

Inihayag pa ni Mayor Lacuna-Pangan na kabilang ding tutustusan ang pagsasaayos ng iba’t-ibang health centers sa lungsod, pagpapatayo ng “Crisis Intervention Center for Women and Children,” pagdaragdag ng mga imprastaktura at pasilidad sa Manila Boystown Complex at pagpapagawa ng mga City Libraries na daragdagan ng mga multi-purpose at multi-functional facilities para sa pangangailangan ng iba’t-ibang sektor ng lungsod.

“Ang mga programa at proyektong ito ay ilang lamang sa mga mahahalagang bagay na nilalayon nating maging epektibong instrumento ng panibagong simula at paghahatid ng panibagong pag-asa sa ating mga kababayan,” sabi pa ng alkalde.

Kasama ng alkalde sa ginawang paglagda sina Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto, Majority Floor Leader Councilor Ernesto Isip, Jr., Minority Floor Leader at 6th District Councilor na siya ring chairman ng Committee on Appropriation, Councilor Salvador Philip Lacuna, mga miyembro ng Local Finance Committee na kinabibilangan nina Secretary to the Mayor Atty. Marlon Lacson, City Budget Officer Grace Chua, City Treasurer Jazmin Talegon, at City Accountant Jonathan Galorio, 5th District Congressman Irwin Tieng at mga miyembro ng 12th City Council sa seremonya ng paglagda.

AUTHOR PROFILE