
2 suspek na tulak laglag sa P6.8M na shabu
MAHIGIT P6.5 milyon na halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang Chinese nationals sa buy-bust ng pulisya noong Martes sa Pasay City.
Magkasanib na puwersa ng PNP-Drug Enforcement Group, Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasay police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dumakip kina alyas Chang Sao, 29, at Zuzhou, 26, makaraang pagbentahan ng milyong halaga ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer.
Sa tinanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) District Director P/BGen. Manuel Abrugena, isinagawa ang buy-bust dakong alas-7:14 ng gabi sa Dapitan St., Brgy. 6.
Nakumpiska sa dalawa ang tinatayang isang kilong shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon, mga markadong salapi at mobile phone na gamit sa ilegal na transaksyon.
Inihahanda na ng pulisya ang mga dokumento sa paghahain ng kaukulang kaso sa Pasay City Prosecutor’s Office laban sa dalawang dayuhan.