Default Thumbnail

2 sundalo sa Cessna rescue ops, dedo sa NPA attack

February 21, 2023 Zaida I. Delos Reyes 283 views

PATAY ang dalawang sundalo na kabilang sa nagsasagawa ng search and rescue operation sa bumagsak na Cessna plane sa Albay, matapos na tambangan ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) pagkatapos mamili ng suplay sa bayan ng Camalig nitong Lunes ng umaga.

Kinilala ni Capt. German Franco Roldan, hepe mg 9th Infantry Division (ID) Public Affairs Office (PAO) ang mga sundalong nagbuwis ng buhay para sa bayan na sina Pvt. John Paul C.Adalim at Pvt. Mark June D. Esico.

Ayon kay Roldan, ang pananambang ay naganap dakong 7 a.m. sa Barangay Catmon, Camalig, Albay.

Sinamantala umano ng gma rebelde ang pagiging abala ng mga tauhan ng 31st Infantry Battalion (IB) sa pagtulong sa isinasagawang paghahanap sa nawawalang cessna plane.

Ayon sa ulat, habang nasa palengke ang mga sundalo ay limang armadong rebelde ang nag-abang sa kanila palabas at pinagbabaril ang mga ito.

Napag-alaman na habang nasa palengke ang dalawang sundalo ay limang armadong kalalakihan ang sa kanila’y nag-abang kung saan tatlo rito ang walang habas na namaril sa mga biktima.

Dead on the spot ang mga sundalo habang mabilis namang tumakas ang mga rebelde patungo sa hindi pa malamang direksyon.

Kinondena naman ni Barangay Chairman Dennise Misolania ang nasabing insidente at tiniyak ang pakikipagtulungan sa imbestigasyon ng otoridad.

Samantala, itinuturing ni Major General Adonis Bajao, Commander ng 9th Infantry (Spear) Division at Joint Task Force Bicolandia (JTFB) na desperado na ang mga rebelde dahil sa sunud-sunod na matagumpay na operasyon ng 9ID sa Bikol laban sa kanilang hanay.

“Masyado nang desperado ang mga teroristang grupo dahil sa walang humpay na operasyon sa kabundukan ng Philippine Army na nagpapahina pa lalo sa kanilang grupo. Pagpapakita rin ito ng kanilang kaduwagan at kawalan ng respeto sa karapatang pantao sa pamamagitan ng pagkitil ng buhay kabilang na ang mga sundalong nakatalaga sanang magpaabot ng tulong at magsalba ng buhay ng ating mga kababayan. Sa pangyayari pong ito, sa ngalan po ng JTFB, ako po ay nagapapaabot ng pakikiramay sa mga pamilyang naiwan ng ating mga bayaning sundalo,” pahayag ni Bajao.