Default Thumbnail

2 sabog sa damo, nang-trip, kalaboso

June 25, 2023 Edd Reyes 142 views

PANGGUGULO at pag-iingay ang naging “trip” ng mga kabataang sabog sa ilegal na droga na nagresulta sa pakakadakip sa dalawang menor-de-edad na binatilyo Linggo ng madaling araw sa Malabon City.

Kaagad nakarating sa kaalaman ni P/Capt. Rommel Adrias, Malabon Police Sub-Station 5 commander ang ginagawang pagti-trip ng mga kabataan habang high sa droga matapos matanggap ang report ng Barangay Information Network (BIN) dakong alas-3:10 ng madaling araw.

Nang magresponde sina P/Cpls. Jerome Aquino, Angelo Perez, at Pat. Christian Joseph Rodriguez sa naturang lugar sa kanto ng Block 50 at Maya-Maya St. sa Brgy. Longos, inabutan pa nila ang panggugulo at pag-iingay ng mga kabataan na kaagad nagpulasan ng takbo nang matunugan ang pagdating ng mga pulis.

Tanging ang dalawang 16-anyos na binatilyong itinago lamang sa mga alyas “Jhon” at “Dong” ang nasakote ng pulisya sa maikling habulan habang nakatakas ang iba pa nilang kasamahan.

Sa ulat na natanggap ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro, nakumpiska ng mga pulis sa dalawang binatilyo ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana at fruiting tops na may katumbas na halagang P396 at ang glass tube pipe na kanilang gamit na may nakadikit pang sunog na dahon ng marijuana.

Ayon kay Col. Daro, pansamantalang isinailalim sa pangangalaga ng Bahay Sandigan sa Brgy. Longos ang dalawang menor-de-edad na binatilyo habang inihahanda ang paghahain ng kaukulang kaso laban sa kanila.

AUTHOR PROFILE