Leyte

2 rare PH eagle pinakawalan sa Leyte

June 30, 2024 Cory Martinez 75 views

DALAWANG very rare na agila mula sa Mindanao ang pinakawalan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Philippine Eagle Foundation (PEF) sa eagle habitat sa Burauen, Leyte.

Pinangunahan ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga ang pagpapakawala ng mga agila na pinangalanang Carlito at Uswag. Nasagip noong 2022 si Carlito samantalang 2023 nasagip si Uswag.

Ayon kay Loyzaga, layunin ng naturang hakbang ang pagpaparami ng populasyon sa mga critically endangered na Philippine eagle sa buong bansa.

Kabilang pa sa mga dumalo sa ceremonial release sina First Secretary of the Australian Embassy to the Philippines Kathlyn Gonzales, Mohamed Bin Zayed, Raptor Conservation Fund Chief Executive Officer Dr. Munir Virani, PEF Trustee at Insular Life Foundation Vice Chairman Raoul Littaua at PEF Executive Director Dennis I. Salvador.

Inilipad mula sa Philippine Eagle Center in Mindanao noong Hunyo 11 ang mga naturang agila sa kanilang bagong tahanan, ang Marabong Watershed, Anonang Lobi Range Key Biodiversity Area sa Brgy. Kagbana, Burauen, Leyte.

“This moment not only marks the return of these birds into the wild, but a realization of a long-term plan for a reintroduction of our national bird in Leyte where it once thrived,” ani Loyzaga.

Nilagyan ang dalawang agila ng 70 gram-solar-powered GPS/GSM tracker para sa pagmo-monitor sa kanila matapos pakawalan. Isinailalim muna ang mga agila sa medical check-up noong Pebrero bago pinakawalan.

Nakamit ng opisyal na pangalan ang Philippine Eagle, na may scientific name na Pithecophaga jefferyi, noong 1978 sa pamamagitan ng isang order ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Iprinoklama ni dating Pangulong Fidel Ramos bilang pambansang ibon noong 1995 ang Philippine eagle. Pambansang simbolo na ng kultura at pamana ang Philippine eagle.

Ayon naman sa PEF, isa lamang ang Leyte sa apat na isla kung saan namataan ang mga Philippine Eagle. Subalit matapos ang bagyong Yolanda noong 2013, wala nang naitalang namataan sa naturang probinsiya.

“It appears that the eagles have been extirpated in Leyte,” ani Dr. Jayson Ibañez ng PEF.

Subalit, ani Ibanez, mayroong pang 91,000 na ektarya ang isla na angkop para sa tirahan ng mga agila sa dalawang Key Biodiversity Areas (KBA).

Upang makuha ang mga naturang eagle habitat, namuhunan ang DENR, PEF at ang kanilang mga partner para sa pag-igting ng kamalayan at network sa mga key stakeholder kabilang na dito ang lokal na pamahalaan, academic institution, civil society at lokal na komunidad, para protektahan ang kagubatan at maihanda ito para sa mga susunod pang pagpapakawala ng mga agila.

Sinabi pa ng PEF na mag-oorganisa sila at magsasanay ng 25 forest guard upang tumulong sa mga release at post-release activity.

Magsasagawa rin sila ng conduct behavioral change campaigns sa mga komunidad na malapit sa temporary settlement areas ng mga pinakawalang agila, kung kinakailangan.

Magmumula sa Brgy. Kagbana sa Burauen ang 25 forest guards (FGs), na siyang host community sa pagpapakawala ng mga agila. Matapos ang kanilang training, itatalaga ng DENR at PEF bilang Wildlife Enforcement Officers (WEO) ang 25 FGs.

Susundan din ng mga forest guard ang tinatahak ng mga agila matapos ang pagpapakawala sa mga ito, bibigyan ng pagkain kung kinakailangan at magsasagawa ng education campaign sa mga residente na malapit sa lokasyon ng mga agila.

AUTHOR PROFILE