Default Thumbnail

2 pulis QCPD, 4 pa kabilang Ex-O ng bgy, arestado sa gulo

June 10, 2024 Edd Reyes 81 views

ANIM na suspek, kabilang ang dalawang pulis at opisyal ng barangay, ang dinakip ng pulisya bunga ng nangyaring gulo sa loob ng isang subdivision sa Paranaque City.

Binitbit mga tauhan ng Don Bosco Police Sub-Station ang dalawang pulis na kapuwa may ranggong Staff Sgt., nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) mga alyas John, Arnold, kapuwa 40-taong gulang, Lynyrd, 35, at ang 36 anyos na Barangay Ex-O na si alyas Sabino na nagpaputok ng kanyang bitbit na 12-gauge shotgun na nagdulot ng pagkabahala sa mga naninirahan sa Multinational Village, Brgy. Moonwalk sa naturang lungsod.

Sa tinanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, pumasok umano ang mga pulis, sakay ng isang Mitsubishi Montero na walang sticker sa loob ng subdivision pasado ala-1 ng madaling araw ng Sabado.

Sa pahayag ni Sabino sa pulisya, nakatanggap sila ng ulat na may nagaganap na bentahan ng armas at upang mapigilan ito, nagpaputok siya ng dalang shotgun na lumikha ng takot sa mga residente.

Nang magresponde ang Paranaque police, dinatnan na nila na nakadapa na ang limang sakay ng Montero, kabilang ang dalawang pulis, na naka-enkuwentro ng mga barangay officials.

Depensa ng dalawang pulis-QCPD, nagsasagawa sila ng paniniktik sa nagaganap na bentahan ng armas at droga nang harangin sila ng mga opisyal ng barangay.

Lumabas sa imbestigasyon na hindi nakipag-coordinate sa pulisya si Sabino nang isagawa ang kanilang pagharang sa grupo ng dalawang pulis, bukod pa sa ilegal na pagpapaputok niya ng baril na dahilan upang dakpin din siya ng mga tauhan ng Police Sub-Station.

Mahaharap ang mga nadakip sa kasong alarm and scandal habang dagdag na kaso naman sa mga pulis at kanyang grupo ng paglabag sa probisyon ng Land Transportation and Traffic Code dahil sa pagkakakumpiska sa kanila ng apat na magkakaibang plaka ng sasakyan.

AUTHOR PROFILE