DMW

2 Pinoys patay sa atake ng Houthi rebels sa Red Sea

March 7, 2024 Jun I. Legaspi 335 views

KINUMPIRMA ng Department of Migrant Workers (DMW) na dalawang Pinoy seafarers ang nasawi at dalawa din ang malubhang nasugatan sa pinakahuling pag-atake ng Houthi rebels sa mga barko sa Red Sea at Gulf of Aden.

Dahil dito, nagpaabot ng pakikidalamhati ang DMW sa pamilya ng mga seamen na hindi muna pinangalanan. “We in the Department of Migrant Workers sincerely extend our deepest condolences to the family and kin of our slain, heroic seafarers.

For reasons of privacy, we are withholding their names and identities,” pahayag ng DMW.

Inihayag din ng DMW na dalawa pang Filipino crewmen ang lubhang nasugatan sa pag-atake sa kanilang barko. “We pray for their immediate recovery,” dasal ng DMW.

Kasabay nito, tiniyak ng DMW na alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., ibibigay nila ang buong suporta at tulong sa pamilya ng mga seafarers.

Sa ngayon nakikipag-ugnayan na ang DMW sa manning agency at shipowner upang matiyak ang kondisyon ng iba pang crew ng barko partikular ang mga natitirang Filipino crew members.

Sa huling impormasyon nadala na ang mga tripulante sa ligtas na pantalan.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DMW sa principal shipowner at manning agency upang isaayos ang repatriation ng natitira pang remaining Filipino crew members.

Muli ring nananawagan ang DMW sa mga shipowners na may mga barkong naglalayag sa sa Red Sea-Gulf of Aden sea lanes na sumunod sa expanded “high risk areas” designation at ipatupad ang nararapat na risk mitigation measures, tulad ng rerouting vessels at pagpapakalat ng armed security personnel na nakasakay sa mga barko.

Nanawagan din ang DMW para sa patuloy na diplomatic efforts upang de-escalate ang tension at solusyunan ang mga dahilan ng kaguluhan sa Middle East.

AUTHOR PROFILE