NPD

2 parak tiklo sa robbery, carnap; mga cohorts ininguso

June 11, 2024 Melnie Ragasa-limena 437 views

ARESTADO ang dalawang miyembro ng Caloocan City Police at isang sibilyan dahil sa reklamo ng carnapping at robbery ng isang umano’y drug suspect sa Quezon City noong Lunes.

Itinuro ng biktimang si alyas Gerry na kumuha ng kanyang pera at motorsiklo ang mga pulis na sina PSSg Rusell Ortega, 39, at PCpl Joel Taboga, 37, at ang sibilyang si Robin Caidic, 34.

Sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) naganap ang insidente dakong alas-4:40 ng hapon sa harap ng barangay hall ng Balon Bato sa nasabing lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PMSg George Caculba bago ito, lumilitaw na nasa barangay hall ang mga tauhan ng QCPD-CIDU sa pangunguna ni PCpt. Reynaldy Tagle, hepe ng Homicide Section, at tauhan ng Talipapa Police Station para irebisa ang CCTV footage sa nangyaring pamamaril sa isang lalaki at pagdukot sa negosyante sa harap ng LR Pascual Elementary School sa L. Pascual Street, Brgy. Baesa, Quezon City madaling araw nitong Lunes.

Habang pinanonood ng grupo ni Tagle ang CCTV, napansin ang komosyon sa tapat ng barangay hall. Tinungo ng grupo ni Tagle ang komosyon kung saan nadatnan nilang hawak nina Ortega, Taboga at Caidic si Andrade.

Bilang bahagi ng beripikasyon, hiningan ni Tagle ng dokumento ng operasyon at koordinasyon ang mga suspek subalit bigo ang mga ito na makapagpakita.

Doon sinabi ni Andrade na hinarang siya ng mga suspek at kinuha ang kanyang P16,000 cash at motorsiklo sa isang gasolinahan.

Nakakita lamang ng pagkakataon si Andrade at nakatakas mula sa mga pulis hanggang sa maka-abot sa barangay hall.

Dito na inaresto ng tropa ni Tagle sina Ortega, Taboga at Caidic. Nakuha sa mga pulis ang motorsiklo ni Andrade habang isang replica na baril ang nakuha kay Caidic.

Sa pagtatanong sa mga nadakip na suspek, inginuso din ng mga ito ang iba pang kasama na sina PCpl Judy Rizare, Team Leader/Tracker Team Operatives, PCpl Andy Moja, PCpl Mark Anthony Vinagrera at PCpl Alvin Cruz.