Default Thumbnail

2 MWPs tiklo sa anti-drugs law

May 16, 2023 Gil Aman 190 views

KAMPO HENERAL PACIANO RIZAL – Dalawang suspek na kabilang sa “most wanted person” (MWP) sa municipal level dahil sa kasong illegal drugs ang inaresto nitong Lunes sa Laguna.

Sa ulat ni P/Maj. Reymund V. Asistores, hepe ng Los Baños Police Station, nagkasa ang kanilang mga warrant personnel ng manhunt operation dakong alas 10:45 ng umaga sa Barangay Batong Malake, Los Baños, Laguna na nauwi sa pagkakaaresto ng akusado sa bisa ng warrant of arrest na isinampa sa kanya noong Mayo 5, 2023 at sinasabing no. 5 na MWP (municipal level).

Nahaharap ang suspek sa paglabag sa RA (Republic Act) 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” na nilagdaan at inisyu ni Presiding Judge Glenda Reyes Mendoza-Ramos, Regional Trial Court (RTC), Branch 36, Calamba City, Laguna.

Sa manhunt operation naman ng Santa Cruz Municipal Police Station ay nadakip nila ang ikalawang suspek sa ganap na 6:54 ng gabi sa Bgy. Poblacion 3, Santa Cruz, Laguna sa bisa ng warrant of arrest na isinampa sa kanya noong Mayo 15, 2023 at nakatala bilang no. 10 na MWP (municipal level).

Kalaboso ang suspek sa paglabag sa RA 9165 na ibinaba ng RTC Br. 27, Santa Cruz, Laguna.

Samantala ang mga korteng pinagmulan ng kanilang arrest warrants ay iimpormahan para sa disposisyon.

“Ang Laguna PNP ay patuloy na tatalima sa panawagan ng ating Regional Director PRO Calabarzon, P/BGen. Carlito M Gaces at Chief PNP, P/Gen. Benjamin C. Acorda Jr., sa tulong at suporta ng pamayanan lalong-lalo na ng Barangay Intelligence Network (BIN) sa iba’t-ibang barangay sa lalawigan ng Laguna ay ipagpapatuloy po namin ang mga operasyon laban sa mga nagtatago sa batas, tinitiyak po namin na mabibigyang hutisya ang kanilang mga naging biktima. Ito ay patunay lamang na sa pagtutulungan ng mga kapulisan at mamamayan ay makakamtan natin ang tahimik at payapang lalawigan,” pahayag ni P/Col. Randy Glenn G. Silvio, acting provincial director ng Laguna PPO (Police Provincial Office).

AUTHOR PROFILE