
2 lalaki timbog sa MJ, baril sa Caloocan

Dalawang lalaki ang naaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Northern Police District (NPD) sa isinagawang operasyon ng Oplan Paglalansag Omega, Oplan Big Bertha at Oplan Salikup sa Caloocan.
Dahil sa patuloy na kampanya laban sa droga, dalawang hinihinalang nagtutulak ng marijuana ang natimbog ng mga tauhan ng NPD CIDG sa pamumuno ni PLt. Col. Mico Cadayona matapos na magsagawa ng buy-bust operation sa Caloocan City.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act, bukod sa nakitaan ng baril kaya nahaharap din sa kasong paglabag sa RA 10591, o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, ang dalawang suspek na nakilalang sina Robert Rosales y Serrano, 26, at Mark Braganza y Valenzuela, 25, kapwa binata at residente ng 120-B 8th Avenue, Bgy. 56, Caloocan City.
Base sa ulat ng CIDG at ng District Special Operation Unit ng NPD, pasado alas 2:30 ng hapon nitong nakaraang Miyerkules nang magsagawa ng buy-bust sa #55 Baltazar St., 8th Avenue sa Caloocan.
Dalawang bloke ng pinatuyong dahon ng marijuana ang narekober at tumitimbang sa mahigit isang kilo na may street value na P240,000.
Nakuha ng mga operatiba ang marijuana sa loob ng isang backpack na naglalaman ng nasabing droga na nasa pangangalaga ng suspek na si Braganza.
Kabilang din sa mga narekober ay ang caliber 38 pistola at marked money na tig-3 genuine bills at boodle money na nasa P5,000. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES