Bully

2 lalaki nam-bully habang may boga, granada nahuli

June 30, 2024 Edd Reyes 63 views

NADAKMA ng mga pulis ang dalawang lalaki na nambubully sa isang residente habang may baril at granada noong Linggo sa Makati City.

Sa halip na pumalag, isinumbong ng obrero sa mga pulis ang pam-bubully sa kanya nina alyas Aidzel, 22, at alyas Marc, 20, habang hawak ng mga ito ang baril at granada na ipinanakot sa biktima.

Sa isinumiteng ulat nina P/Maj. Hazel Asilo at P/Maj. Jaybee Bayani ng Southern Police District-Public Information Office (SPD-PIO) kay District Director P/BGen. Leon Victor Rosete, dakong alas-3:10 ng madaling araw nang harangin ng dalawang bagets ang biktima sa Salamanca at Eduque Sts., Brgy. Poblacion ng walang dahilan.

Binully, tinakot at pinagbantaan ng dalawa ang biktima habang ipinagyayabang ang hawak nilang baril at granada.

Nang makalayo ang biktima, humingi ng tulong sa mga tauhan ng Poblacion Police Sub-Station.

Kumilos ang mga pulis at naabutan ang dalawa habang naghahasik ng sindak sa naturang lugar.

Nakumpiska sa dalawa ang kalibre .38 revolver, anim na bala at hand grenade na ipinananakot sa mga residente sa lugar.

Ayon kay Maj. Asilo, inihahanda na ng mga tauhan ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Makati City Police Station ang mga kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition), RA 9516 (Illegal Possession of Explosive) at Grave Threats sa Makati City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE