
2 huli sa boga, sugal sa Navotas
TIKLO ang 48-anyos na mangingisda ng matyempuhang may baril habang nagka-cara y cruz noong Biyernes sa Navotas City.
Natiklo ng mga tauhan ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes si alyas Jaime, ng Brgy. Sipac-Almacen dahil sa paltik na baril na may dalawang bala ng kalibre .38 revolver.
Nadakip din ang isa sa mga tumataya na si alyas Eddie, 44, karpintero, ng Brgy. Navotas West.
Ayon kay Cortes, nagroronda sa Brgy. Bangkulasi ang mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 3 sa pangunguna ni P/Capt. Archie Arceo nang matiyempuhan ang nagkukumpulang mga lalaki na tumataya sa cara y cruz sa Pescador St. dakong alas-4:20 ng hapon.
Nagkanya-kanyang pulasan ang mga sugarol nang matunugan ang papalapit na mga parak pero nabingwit nina Arceo sina Jaime at Eddie nang tangkain nilang damputin ang taya sa sugal.
Nang kapkapan, nakuha kay Jaime ang paltik kaya bukod sa kasong paglabag sa PD 1602 na isasampa ng pulisya laban sa kanila, mahaharap din siya sa paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition sa Navotas City Prosecutor’s Office.