
2 driving school sinuspinde sa pamemeke ng certificates
BINALAAN ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang mga driving schools at accredited clinics na umiwas sa mga ilegal na gawain na maaaring magdulot ng panganib sa kaligtasan ng publiko sa kalsada.
Ipinarating ng opisyal ang babala matapos masuspinde ng 30 araw ang operasyon ng dalawang driving school sa Tarlac at Quezon province dahil sa pagkakasangkot sa umano’y pamemeke ng Theoretical Driving Course (TDC) at Practical Driving Course (PDC) certificates.
Nauna nang iniutos ni Mendoza ang masusing imbestigasyon sa umano’y pamemeke ng TDC at PDC certificates matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa modus operandi ng ilang tiwaling driving school.
Pinalawak din niya ang kautusan upang isama ang mga accredited medical clinics ng LTO matapos makatanggap ng hiwalay na ulat ng pamemeke ng mga medical certificate.
“This is part of our aggressive campaign against fixers. We cannot allow these modus operandi to happen because what is at stake are the safety of road users,” ani Mendoza.
Ayon kay Renante Militante, hepe ng LTO-Intelligence and Investigation Division, inatasan nila ang pag-deploy ng mga poseur-client bilang pagsunod sa utos ni Assec Mendoza na naglalayong matukoy ang mga driving schools na sangkot sa mga ilegal na aktibidad.
Sa ulat ni Militante, nakuha ng kanilang poseur-client ang TDC sa Driving School sa San Sebastian, Tarlac kahit hindi personal na dumalo sa pamamagitan ng tulong ng isang instructor.
Nakuha rin ng poseur-client ang PDC mula sa Driving Academy sa Lucena City, Quezon kahit hindi nakumpleto ang kinakailangang oras at hindi dumalo sa mandatoryong road safety seminar.
“We already issued a Show Cause Order to these two driving schools to demand their explanation why they should not be punished for violating the provisions of the accreditation given to them,” ani Mendoza.
Sinabi ni Mendoza na ang agresibong kampanya laban sa mga tiwaling driving schools alinsunod sa utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista.
Ang TDC at PDC pangunahing kinakailangan para sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho.
Dagdag pa niya na mas marami pang operasyon at imbestigasyon ang isasagawa laban sa mga tiwaling driving schools at medical clinics base sa mga impormasyong hawak ng LTO.