
2 dayuhan na ‘sex offenders’ hindi pinapasok ng BI sa PH
HINDI pinapasok sa Pilipinas ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhan na umano’y convicted rapists.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, hinarang sa NAIA terminal 3 ang dalawang sex offenders na sina Charles Henry Gabler, 52, Irish national, Mark Halligan, 29, isang American.
Dumating sa bansa si Gabler noong Hunyo 23 lulan ng United Airlines flight mula Guam. Naharang pagdating sa bansa noong Hulyo 4 lulan ng Emirates flight mula Dubai si Halligan.
Sinabi ni Tansingco na kasama ang dalawa sa BI blacklist at hindi na pinapayagang makapasok sa bansa dahil sa pagiging undesirable aliens.
“They were denied entry pursuant to a provision in our immigration law which prohibits the entry of foreigners convicted of crimes involving moral turpitude,” saad ni Tansingco.
Pangalawang beses nang naharang si Gabler matapos unang nagtangkang makapasok noong Nov. 22, 2022.
Convicted si Gavler noong 2012 dahil sa panggagahasa sa isang 16-anyos na babae. Si Halligan naman convicted sa kasong rape noong 2020 na isinampa ng 20-anyos na babae.