Default Thumbnail

2 Chinese nat’ls huli sa baril, pocket knife

June 26, 2023 Jonjon Reyes 309 views

DAHIL lamang sa isang sasakyan na mali ang pagkaparada, dalawang Chinese nationals ang sabay na natimbog ng mga nagpapatrolyang mga tauhan ng District Tactical Motorized Unit (DTMU) ng Manila Police District (MPD), matapos na madiskubre na wala itong lisensiya sa pagmamaneho at nahulihan pa ng iligal na kontrabando, Linggo ng hatinggabi sa panulukan ng Adriatico at Remedios Streets, Malate, Maynila.

Agad na inaresto ang dalawang suspek na may edad na 35 at 27 na pawang nagtatrabaho bilang “Customer Service” at nakatira sa isang condominium sa Bel-Air, Makati City.

Base sa ulat ni Police Senior Master Sargent Reynaldo Cordova at Police Staff Sergeant Joven Miguel, kapwa nakatalaga sa DTMU, bandang 11:40 p.m. (Hunyo 25), nang maispatan nila ang isang kulay asul na Audi sedan na nakabalagbag ang parada sa nasabing lugar.

Matapos masita ang dalawa ay dito na nalaman na wala itong driver’s license at nakuha sa mga suspek ang isang Glock 27, Gen 3 Caliber 40 na may magazine na kargado ng siyam na bala at isang pocket knife.

Nagresulta ang pagkakadakip sa dalawang suspek dulot ng pinaiiral na programa ng tinaguriang “The Game Changer General” MPD chief PBGen. Andre P. Dizon na “Oplan Galugad” at Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) at pinalawig na pagpapatrolya ng DTMU sa Malate at Ermita.

Dinaan muna sa medical checkup ang dalawang Chinese nationals saka ito dinala sa himpilan ng MPD.

Ang dalawa ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 4136 (driving without license) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

AUTHOR PROFILE