
2 arestado sa ilegal na pagbebenta ng oil products sa Pampanga
Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga — Dalawang katao na umano’y sangkot sa ilegal na pangangalakal ng produktong petrolyo ang naaresto sa Mexico, Pampanga.
Ayon kay PRO3 director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr. ang mga suspek ay may-ari ng gas station at trabahador nito.
Ayon sa pahayag ni Regional Mobile Force Battalion 3 Special Operations Group commander Lt. Col. Jay Dimaandal, nakatanggap sila ng report na ang may-ari ng gas station ay nagbebenta ng ilegal na mga produktong petrolyo bagaman nakakuha siya ng permit mula sa lokal na pamahalaan.
Agad na nakipag-ugnayan si Dimaandal sa Department of Energy-Luzon Field Office para i-verify kung ang negosyante ay awtorisadong mag-operate ng negosyo sa pagbebenta ng mga produktong petrolyo, subalit napag-alamang hindi ito awtorisado.
Nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng RSOG kasama ang Mexico police at nakabili ng 30 litrong produktong diesel mula sa gasoline station na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek.
Iginiit ng suspek na legal siyang nag-ooperate dahil nakakuha siya ng permit na sinasabing mula sa alkalde ng bayan ng Mexico subalit nabigo siyang magpakita ng lisensya para mag-operate mula sa Department of Energy (DOE).
Nasamsam mula sa mga suspek ang hindi pa matukoy na halaga ng mga produktong petrolyo, ang P2,000 na marked money, ang signage ng AMP gas station, mga puti at asul na drum container.
Kakasuhan ang dalawang suspek ng paglabag sa BP 33 na inamyenda ng PD 1865.
Pinuri ni Hidalgo ang operating team sa kanilang pangako na sugpuin ang talamak na ilegal na aktibidad na ito.
“Itong accomplishment na ito ay alinsunod sa utos ni PNP chief Gen. Benjamin C. Acorda Jr. sa ilalim ng kanyang 5-Focused Agenda. Magiging pursigido at mahigpit tayo sa pagtugis at pag-aresto sa mga lumalabag sa batas upang maiwasan nilang ipagsapalaran ang kapakanan ng publiko,” ani ni Hidalgo.