
19-anyos sinaksak ng gunting sa Paresan, dedo
PINAGSASAKSAK hanggang sa mamatay ang isang lalaki nang nakaalitan na customer sa isang Paresan sa Quezon City nitong Miyerkules ng umaga.
Nagtamo ng saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktimang si Reson Pajuelas Ultra, 19, residente ng Brgy. Gulod, Novaliches ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa report, nangyari ang krimen dakong ala 1: 13 a.m. sa Paresan sa kanto ng Quirino Highway at Forest Hill Drive sa naturang barangay.
Pumasok sa Paresan ang biktima kasama ang kanyang lolong si Edgar Ultra na kapwa umano lasing upang kumain.
Makalipas ang isang minuto, dumating din ang mga hindi pa nakikilalang suspek.
Nagkaroon umano ng pagtatalo hinggil sa kanilang inorder na pagkain si Reson at mga suspek na humantong sa suntukan.
Kasunod nito, pinagtulungan nang bugbugin at saksakin ng dalawang suspek si Reson gamit ang gunting.
Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang pananaksak.
Isinugod sa Novaliches District Hospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival.
Patuloy ang ng follow up investigation ng pulisya.